^

Punto Mo

NAIA, hindi palengke

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

Kung may isang salitang bagay sa nangyaring rambol ng dalawang babaeng immigration officer sa NAIA Terminal 3,  iyon ay KAHIYA-HIYA.

Sa harap mismo ng mga international passengers, sa mismong immigration area kung saan dapat ipinapakita ang disiplina at propesyonalismo, nauwi sa sigawan, sabunutan at sakitan ang alitan ng dalawang opisyal. Ayon sa mga ulat, nangyari ang insidente habang dagsa ang mga pasaherong dumarating.

Ano ba naman iyan? Immigration counter iyan, hindi barangay court. Hindi palengke. At lalong hindi lugar para maglaban ang dalawang taong may personal na problema.

Mas nakakahiya dahil mga frontliner sila. Sila ang unang humaharap sa maraming dayuhang pumapasok sa bansa at sa mga Pilipinong umuuwi o bumibiyahe. Habang ang mga pasahero ay naghihintay ng maayos na serbisyo, sila naman ang naging palabas.

At ang sinasabing ugat ng away? Isang lalaking kapwa immigration officer umano na pare­hong may kaugnayan sa dalawang babae. Kung personal na relasyon man ang pinag-ugatan, personal na problema iyon. Hindi lisensya para magwala sa trabaho. Ang alegasyong ito ay iniimbestigahan pa ng Bureau of Immigration.

Kaya dapat seryosohin ang utos ni MIAA General Manager Eric Ines na mapreserba ang CCTV footage ng lugar. Mahalaga ang bawat segundo ng video para malaman kung paano nag­simula ang gulo, sino ang unang nanugod at ano talaga ang nangyari. Iniulat ding nais ni Ines na magkaroon ng hiwalay na imbestigasyon ang BI.

Hindi sapat ang “pagbati” o simpleng sermon. Kung mapatutunayang lumabag sila sa mga patakaran at sa kanilang tungkulin, dapat may kaukulang administratibong parusa ayon sa resulta ng imbestigasyon at due process.

Nakakahiya sa harap ng mga pasahero. Nakakahiya sa airport. At higit sa lahat, nakakahiya sa isang ahensiyang ang trabaho ay magpatupad ng batas at panatilihin ang kaayusan sa ating border.

Kung hindi kayang iwan sa labas ng counter ang personal na problema, huwag dalhin sa trabaho.

Ang NAIA ay gateway ng bansa. Hindi ito lugar para sa personal na rambol.

NAIA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with