^

Punto Mo

EDITORYAL — Patunayan sa aksiyon

Pang-masa


KAKAIBA ang panimula ni President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation­ Address (SONA) noong Lunes. Sabi niya, hindi raw siya Pangulo ng kanyang pamilya, hindi Pangulo ng kanyang kaibigan, kundi Pangulo ng Pilipinas.

Matapang ang pagkakasabi at napapanahon. Sakto sa mga usapin ng korapsiyon at flood-control scandal at sa nakatakdang pagsasampa umano ng kaso laban sa kanyang pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez.

Pero sa gobyerno, hindi sapat ang matapang na linya. Kailangang may kasunod na aksiyon. Patu­nayan sa gawa.

Kung tunay na walang pamilya, kaibigan, o kaalyado ang sasantuhin, dapat makita ito sa mga kasong isasampa, sa ebidensiyang ilalabas, sa perang maba­bawi, at sa opisyal na mananagot. Hindi sapat na sabi­hing nasuri na ang mga proyekto ng DPWH. Kaila­ngang malaman ng publiko kung sino ang pumirma, sino ang kumita, sino ang nagpabaya, at sino ang haharap sa korte.

Matagal nang pagod ang taumbayan sa imbestigasyong malakas sa simula pero tahimik sa dulo. Sa korapsiyon, ang sukatan ay hindi galit sa podium. Ang sukatan ay kaso, hatol, at pagbabagong hindi na ito mauulit.

Mahalaga rin ang sinabi ng Pangulo tungkol sa electric bills. Tama siyang sabihin na hindi kasalanan ng konsyumer ang system loss, kaya hindi ito dapat basta ipasa sa bill. Kung seryoso ang administrasyon dito, dapat mabilis itong itulak sa Kongreso at bantayan hanggang maging batas. Hindi sapat ang relief kung pansamantala lang. Ang kailangan ay tunay na bawas sa pasaning buwan-buwan ay binabayaran ng pamilya.

Binanggit din ang tax relief para sa middle class at maliliit na negosyo, health programs gaya ng zero-balance­ billing, YAKAP at GAMOT, teacher promotions, energy projects, railways, disaster response, at tulong sa agrikultura. Magaganda ang pakinggan ng mga ito. Pero tulad ng lahat ng pangako sa SONA, ang tanong ay kung kailan at paano ito mararamdaman ng ordinaryong Pilipino.

Sa West Philippine Sea, tumatak ang pahayag na “we do not yield.” Dapat ganoon din ang tindig hindi lamang sa harap ng China, kundi sa harap ng korapsiyon, mahal na bilihin, at sistemang nagpapabigat sa mamamayan. Hindi puwedeng matapang lang sa salita. Kailangang matatag sa aksiyon.

Kung Pangulo siya ng Pilipinas, hindi ng pamilya o kaibigan, dapat patunayan ito sa susunod na mga buwan: sa korte, sa bill ng kuryente, sa presyo ng bilihin, sa serbisyo publiko, at sa araw-araw na buhay ng Pilipino.

Hihintayin ng mamamayan ang katuparan ng mga inilahad sa SONA.

FERDINAND MARCOS JR.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with