Maraming una sa biyaheng Buwan
Sa paglabas ng kolum na ito, inaasahan nating pumapailanlang at lumiligid na ang Orion spacecraft sa orbit ng Buwan, isang makasaysayang yugto na hudyat ng muling pagbubukas ng pinto ng sangkatauhan tungo sa malalim na kalawakan. Bahagi ito ng misyong Artemis II na isang dambuhalang kolaborasyon sa ilalim ng Artemis Accords na kinapapalooban ng higit 60 bansa at mga higanteng pribadong kumpanya. Sa loob ng sampung araw na biyaheng ito, susubukin ang katatagan ng Space Launch System, ang pinakamalakas na rocket sa mundo. Bagama’t hindi pa lalapag sa ibabaw ng Buwan ang mga astronaut sa pagkakataong ito, ang kanilang paglalakbay ay magsisilbing kritikal na pagsusuri sa mga life-support systems at navigation tech na kailangan para sa susunod na aktwal na pagtapak sa lunar surface.
Maraming itinuturing na “una” sa misyong ito. Makalipas ang mahigit 50 taon mula nang huling lumipad ang Apollo 17 noong 1972, ngayon lamang muling magdadala ng tao sa kabilang bahagi ng orbit ng Buwan. Sa unang pagkakataon din sa kasaysayan, ang crew ay hindi na binubuo lamang ng mga puting Amerikanong lalaki. May isang babae, isang black astronaut at isang Canadian. Isa ring patunay na ang proyektong ito ay isang pandaigdigang pagsisikap kung saan ang Canadian Space Agency at ang European Space Agency o ESA halimbawa ay may direktang partisipasyon. Ang European Service Module na gawa ng Airbus ang nagsisilbing “puso” ng Orion dahil ito ang nagbibigay ng kuryente, tubig, at hangin sa loob ng capsule, habang ang Japan naman ay naghahanda na para sa kanilang papel sa itatayong Lunar Gateway.
Malaki ang pagkakaiba ng Artemis sa nakaraang Space Race noong dekada ‘60 at ‘70. Kung noon ay naging tunggalian lamang ito ng dalawang higante na Amerika at Russia para sa politikal na dominasyon, ang Artemis ay nakasandig sa pagbabahagi ng teknolohiya, pondo, at pananaliksik. Ang mga pribadong kumpanya gaya ng Lockheed Martin, Boeing, at SpaceX ay naging mahalagang bahagi ng supply chain, mula sa pagbuo ng capsule hanggang sa mga susunod na lunar landers.
Hindi na lamang ito usapin ng pagtataas ng bandila kundi ang pagtatatag ng isang permanenteng base ng tao sa Buwan na magsisilbing lunsaran patungong planetnag Mars. Habang ang Russia at China ay may kani-kaniya ring hiwalay na programa sa Buwan, ang alyansang Artemis ang kasalukuyang nagpapakita ng lakas ng pagkakaisa ng iba’t ibang nasyon. Maging ang Pilipinas, sa pamamagitan ng paglagda sa Artemis Accords at mga lokal na pag-aaral sa analog habitats, ay unti-unti nang nakikibahagi sa pangarap na ito.
Email – [email protected]
- Latest















