Marso ang buwan ng kanser sa bituka
Marso ang itinakda bilang Buwan ng Kanser sa Bituka, o colorectal cancer, isang kampanya ng Department of Health na layuning palawakin ang kamalayan ng publiko tungkol sa sakit na ito. Bagaman walang tiyak na dahilan kung bakit Marso, kapareho ito ng ibang bansa na gumugunita rin sa parehong buwan upang himukin ang edukasyon, maagang pagtukoy, at tamang gamutan sa isa sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas at sa buong mundo.
Ayon sa World Health Organization, ang colorectal cancer ang pangatlong pinakakaraniwang uri ng kanser sa mundo, na bumubuo sa halos 10 porsiyento ng lahat ng bagong kaso. Karaniwan itong tumatama sa mga taong may edad na 50 pataas subalit lumalabas sa mga bagong datos ang pagtaas ng bilang ng mga kabataang nagkakaroon nito.
Ipinapakita ng mga pag-aaral na may matibay na ugnayan sa pamumuhay ng tao ang panganib ng colorectal cancer. Ang labis na pagkain ng processed meats, kakulangan sa prutas at gulay, kawalan ng regular na ehersisyo, sobrang timbang, paninigarilyo, at madalas na pag-inom ng alak ay ilan lamang sa mga pangunahing salik na nakapagpapalala ng panganib.
Karaniwan, sa maagang yugto ng colorectal cancer, wala o bahagya lamang ang nararamdamang sintomas. Kapag lumitaw ang mga palatandaan, maaaring kabilang dito ang pagtatae o constipation, pagnipis ng dumi, dugo sa dumi—mapula o itim at parang tar—pamumulikat o pananakit ng tiyan, biglaang pagbaba ng timbang, labis na pagod, at iron deficiency anemia dulot ng chronic bleeding. Ang kanser ay kadalasang nagsisimula bilang maliliit na polyps sa colon o rectum, na unti-unting lumalaki at maaaring maging malignant kung hindi maagapan.
Ang maagang pagtuklas ang pinakamabisang sandata laban sa colorectal cancer. Kadalasang ginagamit ang colonoscopy, isang procedure na sinusuri ang loob ng bituka at tinatanggal ang anumang polyps na maaring maging kanser. Bukod dito, may mga laboratory tests, imaging studies, at iba pang medikal na interbensyon na mahal at madalas ay hindi abot ng ordinaryong bulsa. Ang pagkakaroon ng health insurance ay malaking tulong subalit maraming pasyente ang umaasa lamang sa mga limitadong guarantee letter o programa ng gobyerno na hindi palaging sapat para matugunan ang kabuuang gastusin. Dahil dito, mas praktikal at pangmatagalan ang pagsunod sa mga hakbang para sa isang healthy lifestyle.
Paano makaiiwas? Ugaliing kumain ng mas maraming gulay at prutas, panatilihin ang regular na ehersisyo, iwasan ang labis na pagkain ng matataba at processed na karne, panatilihin ang tamang timbang, at iwasan ang paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak. Ang simpleng pagbabagong ito sa araw-araw ay may malaking epekto sa pagpapababa ng panganib. May mga pag-aaral na nagpapakita na ang balanseng diyeta at pisikal na aktibidad ay maaaring mapababa ang tsansa ng colorectal cancer ng 30 hanggang 40 porsiyento sa loob ng ilang dekada.
Mahalaga ring tandaan na may mga bagong teknolohiya sa screening na mas komportable at hindi kasing-invasive ng colonoscopy, gaya ng stool DNA test o virtual colonoscopy, ngunit ang colonoscopy pa rin ang standard dahil sa kakayahang agad na alisin ang polyps. Sa huli, ang pinakaepektibong proteksyon laban sa colorectal cancer ay kombinasyon ng maagang pagtukoy, tamang gamutan, at pangmatagalang pag-aalaga sa sariling kalusugan.
•••••
Email- [email protected]
- Latest


















