‘Sandok’ (Part 7)
Kinabukasan, maaga pa lamang ay dumating na sa karinderya si Willy. Nagtaka ako sapagkat napaaga yata siya gayung lunch time siya kung magtungo sa karinderya. Alanganing brunch (breakfast-lunch) ang oras ng pagkain niya.
“Longganisa, fried egg, fried rice at mainit na kape ang order ko,’’ sabi ni Willy nang lumapit sa kinaroroonan ko. Busy ang mga tauhan ko sa pagluluto at paglilinis sa mga mesa. Ako naman ay nagkukuwenta ng mga gastos.
“Napaaga ka yata,” sabi ko.
“Oo nga. Kasi magpapagawa ako ng bahay sa lupa namin. Gusto kong magkaroon ng bahay dito para malapit sa karinderya mo.”
Napangiti ako nang mahinhin.
“Mas maganda kung may tirahan dito para kung dadalaw ako sa’yo e malapit lang ang uuwian ko.”
“Wow ha, parang nanliligaw ka na yata niyan,” sabi ko.
“Masama ba? Binata naman ako at ang alam ko, dalaga ka.”
“Kanino mo nalaman na dalaga ako?”
“May nakapagsabi sa akin. Kapag interesado ako sa babae, gumagawa ako ng paraan para malaman ang mga mahahalagang bagay ukol sa kanya.”
Hindi ako nakapagsalita sa sinabi niya.
Mukhang seryoso siya sa sinasabi.
Hindi ko malaman ang gagawin. Parang nahuhulog ang loob ko sa kanya.
(Itutuloy)
- Latest




















