(Part 8)
LUMIPAS ang maraming taon. Hanggang sa makapagtapos ako ng pag-aaral. Nagkaroon ng magandang trabaho.
Kapag umuuwi ako sa probinsiya ay hindi ko kinalilimutang kunin sa pinagtataguan ang rattan na duyan at ikinakabit ko sa malaking puno ng mangga. Dahil maliit na para sa akin ang duyan kaya hindi ko na sinasakyan. Nagkakasya na lamang ako sa pag-ugoy sa duyan.
Habang inuugoy ko ang duyan ay naalala ko ang ikinuwento ni Inay na muntik na akong lulunin nang buhay nang malaking sawa.
Sino nga kaya ang nag-ugoy ng duyan dahilan para makaligtas ako sa pagsakmal ng sawa at hindi ako nilulon.
Malakas ang paniniwala ko na guardian angel ang nagligtas sa akin. Lagi akong binabantayan ng aking anghel dela guwardiya. Siya ang nag-ugoy sa duyan.’
Pagkatapos kong uguyin ang duyan, nilinis ko ito. Inalis ko sa pamamagitan ng walis tambo ang mga nakasingit na alikabok.
Pagkatapos kong linisin ang duyan, kinuha ko sa bahay ang malapad na plastic para ikober sa duyan.
Pagbalik ko, ganun ang aking pagkagulat sapagkat umuugoy nang malakas ang duyan. Walang ibang tao sa paligid ng mga sandaling iyon!
(Itutuloy)