‘Singsing’ (Part 9)
“Tinapon mo ang singsing sa kanal, Cora?” tanong kong punumpuno ng pagtataka.
“Oo. Hindi ko kailangan ang singsing na nanggaling sa lalaking manloloko.”
Hindi ako makapagsalita. Nabuo sa isip ko na ang singsing ay binigay kay Cora ng lalaki bilang engagement ring. Pero bakit manloloko?
“Nagtiwala ako sa lalaking nagbigay ng singsing bilang engagement ring. Naniwala ako sa sinasabi niya na ako lamang ang babae sa buhay niya pero… meron pa palang ibang babae at buntis na. Ang masakit, kakilala ko pa at kasama dati sa trabaho ang babae…”
Tumigil sa pagsasalita si Cora at saka hindi na napigilan ang sarili at umiyak.
Hinayaan ko siyang umiyak. Niloko pala siya ng lalaki. Kaya pala sa galit ay tinapon sa kanal ang singsing.
Pagkatapos umiyak ay humingi ng sorry si Cora.
“Pasensiya ka na Ram, hindi ko napigil ang sarili. Talagang masamang-masama ang loob. Napakasakit ng ginawa sa akin ng lalaking ‘yun!”
“Nauunawaan kita, Cora. Nadarama ko ang paghihirap ng loob mo.”
“Salamat, Ram.”
“Talagang may karapatan kang magalit sa lalaki dahil nagtiwala ka at pagkatapos ay niloloko ka pala.”
“Alam mo, Ram, mula nang malaman ko ang kataksilan, iyak ako nang iyak. Umuwi ako sa probinsiya para makalimot subalit hindi pa rin ako maka-move on.”
“Sabi mo’y officemate mo ang babaing ipinalit sa iyo?”
“Oo.”
“Saan ka ba nagtatrabaho?”
“Nurse ako sa Saudi.”
(Itutuloy)
- Latest















