Mayang (201)
“Salamat at naunawaan mo ako Jeff,’’ sabi ni Lolo Nado na gumaralgal ang boses. “Alam mo, noon ay gustung-gusto ko nang sabihin sa iyo ang kinaroroonan ni Mayang pero dahil nga nangako ako kay Mayang, tiniis kong huwag sabihin sa iyo. Sabi ko sa sarili, hayaan kong ikaw na ang makatuklas sa kinaroroonan ni Mayang. At nagkatotoo naman ang dalangin ko.”
“Oo nga po Lolo. Sa isang banda, nakabuti ang hindi mo pagtatapat sa akin ukol kay Mayang dahil nga gumawa ako ng paraan. At sa pagkikita namin ni Mayang, napatunayan namin ang labis na pagmamahal sa isa’t isa.”
“Tama ka Jeff. Ang pag-ibig mo kay Mayang, ay tulad din ng walang hanggang pag-ibig ko kay Encar.”
“Parang ngang nagkakatulad tayo Lolo Nado. Kung ikaw ay mahal na mahal si Lola Encar, ako naman ay mahal na mahal si Mayang. Di ba Mayang?” sabi ni Jeff sabay baling kay Mayang.
“Oo,” sagot ni Mayang na nakangiti nang ubod tamis.
“Pareho kami ni Lolo kung magmahal—walang kapantay at walang katulad.”
“Tama ka Jeff, pareho tayong tapat kung magmahal. At dalangin ko ang walang hanggang pagsasama n’yo ni Mayang. Ang pagsasama ninyo ni Mayang ay pagpapalain.”
(Itutuloy)
- Latest