^

Punto Mo

Mayang (191)

Ronnie M. Halos - Pang-masa
This content was originally published by Pang-masa following its editorial guidelines. Philstar.com hosts its content but has no editorial control over it.

“HINDI raw kaya ni Encar ang katawan. Nanghihina at nanlalambot siya. Hinayaan ko siyang nakahiga. Nagluto ako ng almusal. Pinakain ko siya subalit bahagya niyang tinikman ang niluto kong itlog at si­na­ngag. Wala raw siyang panlasa. Tinanong ko siya kung ano ang gusto niyang ulam na iluluto ko para sa tanghalian. Ako na raw ang bahala.

“Nagluto ako ng tinolang dumalagang manok. May nakapagsabi sa akin na mahusay sa mga nanghihina ang sabaw ng manok. Nagpapalakas daw ito. Nilagyan ko ng sariwang dahon ng sili at papaya ang tinola.

“Nang maluto ko na ang tinola, pinakain ko si Encar. Pero ilang kutsara lang ng sabaw ang naubos. Talaga raw wala siyang panlasa.

“Sumunod na araw, ganun pa rin ang pakiramdam niya. Walang lakas. Halos hindi na makabangon. Nag-aalala na ako. Anong nangyayari sa asawa ko?

“Kinabukasan, ipinasya ko nang dalhin sa ospital sa bayan si Encar. Umarkila ako ng dyip. Nang makarating sa ospital, dinala agad sa emergency room. Kinabitan ng suwero dahil mahinang-mahina siya.

“Sabi ng doktor na tumingin, kailangang i-confine si Encar at maisagawa ang mga labo­ratory tests.

“Sumunod na araw, sinabi ng doktor na kailangang ulitin ang mga lab tests. Gusto raw makatiyak.

“Napansin ko naman na patuloy sa panghihina si Encar. Lalo pa siyang nanghihina. Kinakabahan na ako. Nawawalan na ako ng pag-asa. Bakit ganito ang nararamdaman ko? Parang iiwan na ako ni Encar.

“Ganunman, nilakasan ko ang loob. Sa loob ng ospital ay may chapel. Iniwan ko muna sandali si Encar. Nagtungo ako sa chapel.

“Lumuhod ako at taimtim na nanalangin. Hiniling ko na gumaling si Encar sa kanyang karamdaman. Nanikluhod ako na huwag muna Niyang kukunin ang aking asawa.

“Hanggang sa mamalayan ko na lamang na tumutulo ang aking luha. Ilang beses pa akong nagmakaawa sa Diyos na huwag muna Niyang babawiin ang aking mahal na asawa.

“Nang magbalik ako sa kuwarto na kinaroroonan ni Encar ay naghihintay pala sa akin ang doktor. Kinabahan ako. Bakit ganito ang nararamdaman ko?

“Hanggang sa tapatin ako ng doktor. Gusto kong umiyak sa sinabi niya. May taning na ang buhay ng aking asawa. Malubha na ang sakit ni Encar.” (Itutuloy)

ALMUSAL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with