23-anyos na lalaki, pinakabatang retirado at pensiyonado sa Russia!
HABANG ang karamihan sa mga kabataan ay abala pa sa pagbuo ng kanilang kinabukasan, isang 23-anyos na lalaki sa Russia ang maagang nagretiro at tumatanggap na ng pensiyon!
Si Pavel Stepchenko, tubong Donetsk, ay pumasok sa paaralan ng Russian Ministry of Internal Affairs sa edad na 16. Matapos ang limang taong pag-aaral, agad siyang nagsimula sa serbisyo sa ahensiya.
Ngunit sa loob lamang ng dalawang taon ng pagtatrabaho, siya ay opisyal nang nagretiro sa edad na 23, dahilan upang makuha niya ang titulo bilang “youngest pensioner” ng bansa.
Maagang nakapagretiro si Stepchenko dahil sa isang espesyal na probisyon sa batas ng Russia. Ayon sa panuntunang ito, tuwing may martial law, ang bawat buwan ng serbisyo ay binibilang bilang tatlong buwan ng credited length of service.
Dahil dito, sa loob lamang ng dalawang taon ng aktwal na pagtatrabaho, nakuha niya ang katumbas ng anim na taong serbisyo, na sapat upang maging kuwalipikado para sa maagang pagreretiro na may buong pensiyon.
Noong Nobyembre 28, 2023, opisyal siyang pinagkalooban ng buong pensiyon, alinsunod sa mga umiiral na batas sa Russia. Ang kanyang pambihirang record ay kinumpirma ng International Record Registration Agency na INTERRECORD at isinama sa “Book of Records of Russia.”
Habang para sa ilan, ito ay isang loophole sa sistema, ipinagmamalaki naman ito ng state-controlled media bilang patunay ng “kakayahan at pagiging flexible” ng social protection system sa Russia. Kung pananaw lang din ang usapan, tila naka-jackpot sa buhay si Stepchenko!
- Latest