EDITORYAL - Local officials, kinakalong ang POGOs kaya di malipol!

BALEWALA ang POGO ban na ipinatupad ng pamahalaan. Walang epekto ang Executive Order na nagbabawal sa POGO. Narito pa sa bansa ang mga salot at patuloy na naghahatid ng problema—kidnapping, murder, prostitution, money laundering, money scam at marami pang kumaladkad sa bansa para katakutan ng mga dayuhan.
Hindi natupad ang sinabi ng pamahalaan na pagsapit ng Enero 1, 2025 ay POGO-free na ang bansa. Kabaliktaran ang nangyari sapagkat muling bumuo ng grupo ang mga dating nagpapatakbo sa POGO at nagpatuloy sa masamang gawain. Mas naging mabangis pa ngayon ang mga illegal POGO na para bang may padrino sila. Masyadong malakas ang loob na gumawa ng kasamaan.
Lubhang nakapagtataka kung paano nakakapag-setup nang walang kahirap-hirap ang illegal POGOs sa mga lungsod sa Metro Manila. Napakabilis nilang gumawa ng illegal na walang pinagkaiba sa dati na nilang pinatatakbo.
Sa kasalukuyan, pinakapaboritong lugar ng illegal POGOs ang Pasay City at Parañaque City. Mula Enero 2025 hanggang sa kasalukuyan, napakarami nang POGO hubs ang sinalakay ng PAOCC sa dalawang lungsod. At tila wala namang ginagawang hakbang ang mga namumuno sa mga nabanggit na lungsod.
Noong Sabado (Marso 15), 49 na dayuhan ang inaresto ng Bureau of Immigration at National Bureau of Investigation sa isang gusali sa Macapagal Ave., Pasay City. Huling-huli sa akto ang mga dayuhan sa ginagawang illegal. Ipatatapon na ang mga nahuling dayuhan.
Noong Pebrero 22, mahigit 400 POGO workers na kinabibilangan ng mga Pinoy, Chinese, Vietnamese, Indonesian at Malaysian ang inaresto sa Parañaque City. Hindi malaman kung naipatapon na ang mga dayuhan pabalik sa kanilang bansa o narito pa at nagsasabog pa ng kasamaan.
Nakikita ang kapabayaan ng dalawang lungsod kaya naglipana ang POGOs. Hindi ba nila maaaring pagsikapan na lipulin ang POGO sa kanilang nasasakupan? O mas nasisilaw sila sa salapi na kinikita kaya hinahayaan ang POGOs? Magpakita sana ng tapang ang LGUs sa POGOs. Ilabas sana ang kanilang pangil para ganap na malipol ang mga salot na POGOs.
Makipagtulungan ang LGUs sa PAOCC, PNP, NBI at Bureau of Immigration. Huwag kalungin at ipagtanggol ang POGOs.
- Latest