Mayang (167)
“Anong nangyari kina Mam Araceli at Manuel, Mayang?’’ tanong ni Jeff na para bang alalang-alala.
Ilang beses pang bumuntunghininga si Mayang bago sinabi ang nangyari kay Mam at kasintahang si Manuel.
May lungkot sa boses ni Mayang.
“Hindi na matutuloy kahit kailan ang kanilang planong pagpapakasal. Isang malaking problema ang nangyari—may nabuntis na kapwa teacher si Manuel.”
Hindi nakapagsalita si Jeff. Kung kanina ay excited na excited siya, bigla siyang nanlambot sa narinig kay Mayang. Hindi na siya nakapagtanong pa at hinayaan na lamang si Mayang na ilahad ang mga nangyari.
“Ayon kay Mam, nagtungo sa kanilang bahay ng alanganing araw si Manuel. Nagtaka raw si Mam dahil Sabado at Linggo karaniwang dumadalaw si Manuel sa kanya. Pero bigla itong dumalaw ng Lunes. Nahalata raw agad ni Mam na parang may malalim na iniisip si Manuel. Hindi raw ito ganun kapag dumadalaw sa kanya—masaya at makuwento ito—pero ng araw na iyon, bahagyang ngumiti at natitigilan.
“Dahil sa kakaibang ipinakita ni Manuel, si Mam na raw ang nagtanong dito. Hindi na raw niya kayang mag-isip pa ng kung anu-ano kung bakit biglang-bigla ay naging ganito ang kasintahan.
“Kinausap daw niya nang masinsinan si Manuel. At sana raw ay hindi na niya narinig ang sinabi nito. Sabi ni Manuel, hindi na matutuloy ang kanilang kasal. At pagkatapos ay humingi ng tawad sa kanya.
“Gulung-gulo raw ang isip ni Mam. Anong ibig sabihin ni Manuel na hindi na matutuloy ang planong kasal? Bakit nasabi ni Manuel yun?
“Tinanong daw niya si Manuel nang masinsinan. At sinabi na nito ang buong katotohanan. Isang kasamahang guro ang nabuntis nito. Kailangang pakasalan niya dahil maimpluwensiya ang mga magulang. Kapag hindi niya pinanagutan, masama ang mangyayari—maaring ipapatay siya.
“Inamin daw ni Manuel na hindi niya mahal ang babae. Nangyari raw ang lahat dahil na rin sa ginawang pang-aakit ng babae—pero kasalanan din daw niya. Hindi siya dapat nagpadala sa tukso. Kasalanan niya dahil naging mahina siya. Natukso sa alindog.
“Nagsisisi raw si Manuel pero huli na. Humingi raw ito ng tawad kay Mam Araceli at saka umalis.”
(Itutuloy)
- Latest