^

Punto Mo

Hindi tayo mga baliw

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAHIGIT dalawang libong taon na ang nakararaan, sinabi ni Hesus, “Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, mawawasak ang kahariang iyon.” Napakahalaga ng pagkakaisa sa kaunlaran at kapayapaan ng isang bansa. Alisin mo sa isang bansa ang pagkakaisa, at tiyak na mawawasak ang bansang ito.

Ito ang malaki nating problema, tayo’y isang bansang sobra ang pagkakawatak-watak at pagkakahati-hati. Lalong sumidhi ang ating pagkakawatak-watak dahil sa matinding hidwaan ng kasalukuyang Presidente at Bise-Presidente, ng mga Marcos at Duterte.

Kung ang dalawang pinakamataas na lider ng ating bansa ay nag-aaway, paanong hindi mag-aaway ang karaniwang mga Pilipino? Ang mga lider kasi ang nagtatakda ng pamantayan. Sila ang ginagawang halimbawa at modelo ng mga mamamayan.

Sa tuwing eleksiyon, lumalala ang ating pagkakahati-hati, ang dating magkakaalyado, nagi­ging magkakaaway. Ang dating magkakaaway, maaaring nagiging magkakaalyado, kundi man lalong nagiging magkakaaway. Sa dami ng partido pulitikal at mga independiyente dito sa atin, hindi kataka-taka na sa tuwing matatapos ang isang eleksyon, nadaragdagan pa ang intensity ng ating pagkakahati-hati na parang sa isang malakas na lindol.

Idagdag pa rito ang pagkakaiba-iba ng ating lengguwahe at kultura. May isa akong kakilala na nagagalit kapag siya’y tinatawag na isang Pilipino. Hindi raw siya Pilipino, siya raw ay Ilocano. Mas madalas tayong mag-isip bilang katutubo ng pinanggalingan nating rehiyon, kaysa bilang Pilipino. Mas malakas ang ating rehiyonalismo, kaysa nasyonalismo.

Meron ngang isang kuwento na kapag may 10 Chinese sa isang bayan, hindi magtatagal ay maitatayo ang isang China town; kapag may 10 Japanese, hindi magtatagal ay maitatayo ang isang Japanese auto shop; kapag may 10 Korean, hindi magtatagal ay maitatayo ang isang Korean church; kapag may 10 Pilipino, hindi magtatagal ay maitatayo ang 10 magkakahiwalay na organisasyon.

Napakarami ring simbahan na mula sa iba’t ibang denominasyon dito sa atin. May alam akong isang maliit na barangay na may 13 magkakaibang simbahan. Ang malungkot, ang relihiyon ay nagagamit ding instrumento ng paghahati, sa halip na pagbubuo.

Mapalad ang mga bansang nasa ilalim ng constitutional monarchy na katulad ng United Kingdom, kung saan mayroon silang hari o reyna na nagsisilbing simbolo ng kanilang pagkakaisa. Kapag may kaganapang nagtatangkang sumira sa kanilang pagkakaisa, natitigil kaagad sa sandaling makialam ang hari o ang reyna.

Wala tayong ganitong simbolo. Wala tayong lider na may kakayahang pagkaisahin ang lahat ng mga Pilipino. Ang marami sa atin ay mga lider na tagapaghati sa halip na tagapagbuo.

Saan na kaya tayo pupulutin?  Naniniwala ako na hindi tayo pababayaan ng Diyos.  Kapag tayo’y talagang sumadsad na nang todo, ang Diyos ay magtatayo sa ating kalagitnaan ng isang lider na magbubuklod sa atin bilang isang bansa.

Sabi ni Martin Luther King, Jr, “Kailangang matuto tayong mabuhay nang sama-sama bilang magkakapatid, kundi ay sama-sama tayong mapapahamak bilang mga baliw.”

May isang bagay na hindi kayang gawin ng mga baliw—ang magkaisa. Kailanman ay hindi maaaring magkaisa ang mga baliw. Mga baliw ba tayo? May angkin tayong talino bilang mga Pilipino. Ngunit kung mananatili tayong watak-watak at mangangarap pa rin tayo ng kapayapaan at kaunlaran para sa Pilipinas, mga baliw nga tayo! 

BALIW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->