EDITORYAL - Kung palalayainsi Mary Jane…

Mula sa pagkakakulong sa Indonesia ng 14 na taon dahil sa drug trafficking, dinala na sa bansa si Mary Jane Veloso. Dumating siya noong Disyembre 18 at diniretso sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City para doon ipagpatuloy ang pagsisilbi sa sentensiya. Mula sa parusang bitay na ginawad ng Indonesian court noong 2015, naibaba iyon sa life imprisonment. Ang gobyerno ni dating President Noynoy Aquino ang umapela kay dating Indonesian President Joko Widodo para mapababa ang sentensiya at ginawang habambunay.

Ang gobyerno naman ni President Ferdinand Marcos Jr. ang naging instrumento para mapauwi si Mary Jane Veloso sa bansa at dito pagsilbihan ang sentensiya.

Sa presscon sa CIW ng araw ding iyon, umapela si Mary Jane kay Marcos Jr. na bigyan siya ng clemency upang tulu­yan nang makalaya.

Sabi ni dating senador Leila de Lima, nararapat na bigyan ng clemency si Mary Jane. Si De Lima ay Justice Secretary sa term ni dating President Noynoy Aquino at isa sa umapela sa dating Indonesian president para matigil ang execution ni Mary Jane.

Pabor din naman si Senate Minority Leader Koko Pimentel na mapagkalooban ng clemency si Mary Jane. Malaki raw ang pag-asa na mabigyan ito ng clemency ng Presidente.

Nabiktima ng illegal recruiter si Mary Jane noong 2010. Nagbayad siya ng P20,000. Dinala siya sa Malaysia ng recruiter na si Sergio para maging domestic helper. Pero sa Indonesia siya humantong nang ipakilala sa kanya ni Sergio ang isang African na nagbigay sa kanya ng baggage. Nang nasa Indonesian airport na siya, nakita sa baggage niya ang mahigit isang kilong heroine. Ikinulong siya at hinatulan ng kamatayan.

Hindi na inaasahan ni Mary Jane na makaliligtas siya sa parusang kamatayan. Ayon sa kanya, isang “himala” ang lahat.

Ngayon ay umaapela siya at iba pa na tuluyan nang makalaya sa piitan. Hindi naman malayo na dinggin ni Marcos Jr. ang apela. Sabi ng Indonesian court, nasa desisyon na ng Philippine president ang kahihinatnan ni Mary Jane. Ang Presidente na ng Pilipinas ang may hurisdiksiyon.

Kung bibigyan ng clemency si Mary Jane, pagkalooban din ang mga matatandang bilanggo na nagdusa na nang maraming taon sa piitan. Maraming bilanggo ang umaasa na mapalalaya para makapiling ang mga mahal nila sa buhay.

Show comments