Dear Attorney,
Natanggal po ako dahil sa retrenchment. Puwede ba akong magreklamo dahil inuna pa akong tanggalin kahit limang taon na ako sa kompanya at may mga mas bago naman sa akin? —Eddie
Dear Eddie,
Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng La Consolacion College of Manila v. Pascua [828 Phil. 182 (2018)], kailangang maipakita ng kompanyang nagsagawa ng retrenchment na “[it] used fair and reasonable criteria in ascertaining who would be dismissed and who would be retained among the employees, such as status (i.e., whether they are temporary, casual, regular or managerial employees), efficiency, seniority, physical fitness, age, and financial hardship for certain workers.”
Ibig sabihin, kailangang may rasonableng batayan ang kompanya sa ginawa nitong pagpili ng mga empleyadong tatanggalin dahil sa retrenchment. Isa sa mga batayan na nabanggit ng Korte ay ang “seniority”. Ibig sabihin, maaring gamitin ang “last-in, first-out” policy kung saan ang itinagal ng empleyado sa kompanya ang pagbabatayan kung siya ay isa sa mga tatanggalin.
Maari mong kuwestiyunin ang pagkakapili sa iyo bilang retrenched na empleyado pero kung mapapansin mo sa nabanggit kong kaso, hindi lamang seniority ang puwedeng batayan ng pagpili sa kung sino ang maaring tanggalin. Puwede ring gamitin na batayan ang employment status, galing sa trabaho, physical fitness, edad, at iba pa.
Kung maipaliwanag ng employer na rasonable naman ang kanilang naging batayan sa pagpili sa iyo ay maaring hindi maging paborable sa iyo ang kahihinatnan ng iyong reklamo kung ang magiging basehan lang nito ay tungkol sa iyong seniority.