‘Krismas Tri’ (Part 5)

PAGKATAPOS naming kumain ni Ruben ay iniayos na namin ang puno ng agojo na kinuha naming sa bundok.

Isang malaking timba ang kinuha ko sa kamalig para gawing base ng Krismas Tri. Ang timba na iyon ang lagi naming ginagawang base. Luma na ang timba pero matibay. Nilagyan ko ng buhangin ang timba at saka dinala sa loob ng bahay.

Magkatulong kami ni Ruben na itinayo ang agojo sa timba. Nahirapan kaming itayo dahil mabigat. Maraming sanga at malago ang dahon. Dahil sa kapal ng dahon ay hindi namin makita ang pinakagitna ng agojo.

“Bawasan natin ang sanga at dahon para madali nating maitayo,’’ sabi ni Ruben.

“Huwag na. Baka masira ang porma. Yan ang gusto ni Nanay di ba?’’

Pinagtulungan naming maitayo ang puno. Hanggang sa ganap naming maipuwesto at nailubog sa buhangin na nasa timba.

“Kumuha ka pa ng buhangin at bato at ilalagay natin sa timba,’’ utos ko kay Ruben.

Hanggang naitayo namin. Matibay na matibay. Tantiya ko ay anim na talampakan ang agojo nang maitayo namin.

Sinimulan na naming lagyan ng dekorasyon ang puno. Nilagyan namin ng Christmas balls ang mga sanga.

Matatapos na kami sa paglalagay ng dekorasyon nang may makita si Ruben sa sanga. (Itutuloy)

Show comments