‘Krismas Tri’ (Part 2)

DAHIL tunay na puno ang ginagamit naming Krismas Tri, pumupunta kami sa aming bukid para maghanap ng mayabong na puno.

Unang linggo ng Nobyembre pa lamang, ako at ang kapatid kong si Ruben ay pupunta sa aming bukid para kumuha ng puno. Malawak ang kakahuyan sa bukid na namana ni Nanay sa kanyang mga magulang. Iba’t ibang klase ng puno ang naroon. Kailangan lamang ay talasan ang mata para makapili nang mayabong at kamukhang-kamukha ng Krismas Tri. Mga ilang ektarya rin ang lupa na namana ni Nanay.

Inihanda namin ni Ruben ang mga kailangan sa pagkuha ng puno—matalas na itak at lagari.

Bilin ni Nanay, mag-ingat kami sa pagputol ng kahoy at baka kami masugatan. Inspeksiyunin din ang puno at baka may bahay ng tabuan. Ito yung mga bubuyog na nanghahabol kapag pinakialaman ang puno na kanilang tirahan.

Maagang-maaga pa lamang ay nagtungo na kami sa bukid. Mahirap kapag inabot ng tanghali. Masakit sa balat ang init.

Sinimulan namin ang paghanap sa puno na gagawing Krismas Tri.

Hanggang isang magandang puno ang nakita namin! (Itutuloy)

Show comments