‘Ligaw’ (Part 6)
Hindi ako nagpanik kahit na hindi ko matunton ang daan pabalik sa bahay bakasyunan nina Benjo. Kapag nataranta ako, baka lalo akong mapalayo at hindi na makabalik sa pinanggalingan.
Tumigil ako at pinagmasdan ang paligid. Napakaraming kawayan sa magkabilang gilid ng daan. Tuwid na tuwid ang ang mga kawayan. Sa tingin ko ay alagang-alaga ang mga iyon. Hindi ko matandaan kung nasabi ni Benjo na pag-aari pa rin nila ang bamboo plantation.
Dahil nalito na ako kung saan nanggaling, ipinasya kong umupo sa mismong puno ng kawayan. Malinis naman ang puno kaya sumalampak ako ng upo.
Habang nakaupo, pinagmasdan ko ang paligid. At wala akong makitang ibang tanim kundi kawayan!
Pawang kawayan na hindi ko malaman kung hanggang saan magtatapos!
Naalala ko ang sinabi ng aking namayapang Lolo Indo na kapag naliligaw ng daan o hindi makita ang daan pabalik, baliktarin ang suot na damit.
Agad kong hinubad ang aking suot na pulang t-shirt.
Isinuot ko iyon ng pabaliktad.
Nagdasal ako na sana ay umepekto ang payo ni Lolo Indo.
(Itutuloy)
- Latest