Bago ko namalayan, malayo na pala ang narating ko at nakarating ako sa kawayanan. Napakaraming puno ng kawayan ang nakita ko. Nakatanim ang mga kawayan sa magkabilang side ng daan. Napansin ko na daan iyon ng tao dahil makitid lamang. Dahil tag-init noon, tuyung-tuyo ang daan.
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Hindi matapus-tapos ang nadararaanan kong nakahanay na mga kawayan.
Hindi ko matandaan kung may nasabi si Benjo na mayroon silang bamboo plantation. Pilit kong inaalala pero hindi ko maisip.
Dahil pawang kawayanan na hindi matapus-tapos ang nakikita ko, ipinasya kong bumalik na sa pinanggalingan.
Nang maglakad ako pabalik, nagtaka ako sapagkat pawang kawayanan din na walang katapusan ang nakita ko. Nagpatuloy ako sa paglalakad.
Hanggang nakaramdam ako ng pagod. Nauhaw ako. Nang tingnan ko ang aking relo, patay ito!
Natatandaan ko, pasado alas siyete ng umaga ako umalis sa bahay bakasyunan nina Benjo pero ang tingin ko sa paligid ay tila gumagabi na! Anong nangyayari?
Nasaan na kaya ako?
Naligaw yata ako!
Ganunman, pinakalma ko ang sarili.
(Itutuloy)