‘Ligaw’
(PART 2)
NAPAKALAWAK ng farm nina Benjo na bukod sa may taniman ng iba’t ibang klase ng prutas ay mayroon pa ring palaisdaan, palayan at taniman ng mais. Bukod pa sa malawak na taniman ng niyog at saging.
Napakayaman pala nina Benjo na noong una ay hindi namin nahahalata dahil napakasimple at napaka-humble na tao. Hindi siya mahahalata na malawak ang ari-arian dahil simpleng magdamit.
Mayroon silang malaking bahay pahingahan sa farm na kumpleto sa gamit at may mga katulong. Mayroon din silang malaking bahay sa bayan. Pero mas pinili namin na sa bahay sa farm manatili. Sabi ni Benjo, hangga’t gusto raw namin ay bahala kami kung kailan gustong umuwi.
“Tutal naman at mga graduate na tayo, kailangan din naman na magpasarap tayo rito. Kung ano ang mga gusto ninyong kainin ay sabihin n’yo lamang at magpapaluto tayo. Huwag kayong mahihiya. Isipin n’yo na parang nasa sarili kayong bahay,’’ sabi ni Benjo.
Una nga kaming dinala ni Benjo sa malawak na taniman ng iba’t ibang klase ng prutas. Tamang-tama na panahon ng pamumunga ng mangga, bayabas, suha, sinegwelas at duhat.
Napakarami ring pinya na pawang mga hinog na. Marami ring pakwan,
Pero nagtaka ako na habang kami ay namimitas at kumakain ng prutas, naramdaman ko na parang may “nilalang” na nagmamasid sa amin. Para bang pinag-aaralan ang aming mga kilos.
Nanindig ang balahibo ko. Naalala ko na baka may tikbalang o kapre sa lugar!
(Itutuloy)
- Latest