GINUNITA noong Sabado ang ika-161 kaarawan ni Andres Bonifacio, nagtatag ng Kataas-taasan, Kagalang-galangan Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK). Nagbigay ng mensahe si President Ferdinand Marcos Jr. at sinabi niyang ang pinakamainam daw na pagpaparangal kay Bonifacio sa mga ginawa nitong pagsasakripisyo sa bayan ay gawin ang bahagi sa pagpapalaya ng bansa mula sa kagutuman, korapsyon at kriminalidad.
Ayon pa kay Marcos, malaki ang nagawa ni Bonifacio sapagkat ito ang nagsindi ng rebolusyon laban sa mga Kastila at naging daan para magkaisa at labanan ang mga nagtangkang sumakop sa bansa. Binuhay umano ni Bonifacio ang pagkamakabayan ng mga Pilipino.
Nagbigay din naman ng mensahe si Vice President Sara Duterte kaugnay sa pagdiriwang ng kaarawan ni Bonifacio at sinabing ang pagsasakripisyo raw ng Supremo ay dapat magmulat sa kamalayan ng bansa sa mga pagsubok na kinakaharap gaya ng kagutuman, kahirapan, kawalan ng trabaho, at kakulangan sa mga serbisyong panlipunan. Ang pamana umano ni Bonifacio ay ang pagsisikap nitong mapalaya ang bansa mula sa mga mananakop. Ayon pa kay Sara, dapat pangalagaan at ipaglaban ang ginawa ng rebolusyonaryo.
Nagkakaisa ang mensahe ni Marcos at Sara sa pagsasabing dapat labanan ang kagutuman, kahirapan at korapsiyon. Kahit na ng nakaraang linggo ay naging matindi ang pagbibitaw nang masasamang salita at pagbabanta ng VP, nagkakapareho naman sila sa tatlong “K” na dapat labanan ng bansa.
Subalit merong nakalimutan sina Marcos at Sara na isang “K” na dapat ding labanan nang nakararaming Pilipino. Ito ay ang “kamangmangan”. Maraming kabataang estudyante ang kulelat sa Science, Math at Reading Comprehension. Nakita ang kahinaan ng mga estudyanteng Pinoy sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA).
Marami rin sa mga batang edad 8-9 ang hindi pa marunong magsulat at magbasa. Kinakalampag ang Department of Education (DepEd) sa mababang kalidad ng edukasyon. Pinamunuan ni Sara ang DepEd hanggang magbitiw siya noong Hunyo 19, 2024. Sa kasalukuyan, iniimbestigahan ng Kamara ang hindi maipaliwanag na paggasta ng pondo ng DepEd sa panahong pinamunuan ito ni Sara. Nahaharap din siya ngayon sa impeachment complaint.
Marami ring mangmang lalo sa pagluluklok ng opisyal ng bansa. Maraming botante ang nababayaran. Isinasapalaran ang kanilang hinaharap kapalit ng pera. Ang kamangmangan ng mga botante ay nararapat nang wakasan sapagkat ito ang nagpapabagsak sa bansa.