‘POGO pull-out sale’,nagkalat sa social media!

NAGSARAHAN na ang maraming POGO hubs at sineser­yoso ng managements ang kautusan ni President Bongbong Marcos na hanggang sa katapusan ng buwan na lang sila. Namonitor pa ng tropa ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz na naglipana na din ang “POGO pull-out” sale sa social media. Kung anu-anong gamit na ang binibenta sa sale nga, ani Cruz.

Siyempre, kung may naglalayasan ng POGO hubs, may patago din ang operation at handa na ang PAOCC para lusubin sila. Sobrang laki talaga ang kita dito sa POGO at namonitor ng PAOCC na kung anu-anong gimik na lang ang ginagawa ng management nito para mapaglalangan ang kautusan ni BBM. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Sa POGO pull-out sale sa social media, namonitor ni Cruz na kung anu-anong gamit na lang ang dinidisplay at hinikayat ang lahat na komontak lang sa fone number para malaman ang presyo ng mga ito. Ayon kay Cruz, ang mga naka-display ay mga kama, mattress, cell phone, laptops, desktops at iba pang gamit.

May batas kayang nilabag ang mga nagbebenta ng gamit ng POGO? Mukhang wala naman, di ba mga kosa? Ang kainaman lang n’yan, naglayasan na sila para wala ng Pinoy na maghumaling sa lovescam, cryptocurrency at iba pang raket nila. Mismooo! Ilan pang buhay ng mga Pinoy ang wawasakin nitong POGO kung hindi pa naikumpas ni BBM ang kamay na bakal niya? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Kung sabagay, ayon sa records ng Bureau of Immigration aabot na sa 23,000 foreign workers ng POGO ang umuwi na sa kani-kanilang bansa. Madadagdagan pa ang bilang dahil may 225 Chinese nationals pa na naaresto ng PAOCC sa raids sa iba’t ibang POGO hubs sa Pinas ang naka-eskedyul na i-deport ni Cruz.

Ang mga Chinese nationals ay kasalukuyang naka-detain sa POGO hub na ni-raid ng PAOCC sa Pasay City. “Ide-deport namin sila within this week. Marami pa tayong trabaho na gagawin tulad ng pag-seize ng mga ari-arian ng POGO para magamit ito ng gobyerno tuwing may bagyo o anupang kalamidad,” ani Cruz. Dipugaaa!

May naglayasan mang POGO workers subalit may namonitor naman ang PAOCC na nag-branch out ang ilan sa mga ito sa mga komunidad, na mahirap matunugan ang kanilang raket. At sori na lang sa mga POGO hubs na matitigas ang ulo. Handa na ang tropa ni Cruz na wasakin ang kanilang negosyo. Isinumbong naman kay Cruz ng mga kosa ko na ang mga workers ng kontrobersiyal na ni-raid na Vertex Technologies sa Century Peak Hotel ay lumipat lang sa 38th floor ng building. Ewan lang kung ipinagpatuloy ng Vertex Tech. ang kanilang raket. Marami ding workers ng Vertex Tech., ang namonitor na lumipat lang sa PITX sa Paranaque City at kasalukuyang bumibili ng gamit pang-scam tulad ng laptops at desktops. Araguyyyyy! Matitigas ang ulo n’yo ha? Lagot kayo sa PAOCC. Hehehe! Ang sakit sa bangs nito!

Sinisiguro ni Cruz na magiging super busy sila sa first three months ng 2025 dahil marami silang nakalinyang trabaho. Tatamaan talaga kayong mga lintek na POGO hubs na ayaw mawalan ng milyones na kita. Ano pa nga ba? Go go go lang Usec. Cruz. Nasa likod mo ang sambayanang Pilipino. Abangan!

Show comments