PAANO nagkaroon ng puting kalapati sa bahay ng mga kalapati. Wala kaming alagang puti na kalapati. Sa tagal ko nang pag-aasikaso sa mga alagang kalapati ni Kuya ay ngayon lamang nagkaroon ng puting kalapati.
Gayunman, hindi ko iyon binigyan ng kung anumang kahulugan at ipinagpatuloy ko ang pagpapakain sa mga kalapati at paglilinis sa bahay ng mga ito.
Mula kasi nang mag-graduate ako ay nagkaroon na ako nang mahabang panahon sa pag-aasikaso sa mga kalapati.
At kung noon ay naiinis ako at nandidiri sa mga kalapati, ngayon ay hindi na at tanggap ko nang ang mga kalapati ay bahagi na ng aming buhay. Ang pag-aalaga ng mga kalapati ang libangan ni Kuya Bong na masasabi kong uliran na kapatid. At kung ano ang mahal ni Kuya Bong, dapat mahalin ko rin. Dapat alagaan nang maayos ang mga kalapati.
Nang hapon na pakainin ko ang mga kalapati, naroon pa rin ang puting kalapati at tila nakatingin sa akin. Hindi ito kumakain. Malungkot.
Hindi ko alam kung bakit ako biglang kinabahan.
Dali-dali kong sinabi sa kapatid kong si Tomas ang pagkakaroon ng puting kalapati. Takang-taka rin si Tomas.
Makalipas ang may kalahating oras, nakatanggap kami ng balita mula sa Riyadh, Saudi Arabia.
Isang malungkot na balita. (Itutuloy)