EDITORYAL - Nagkamali sa war on drugs

SABI ni dating President Rodrigo Duterte noong Pebrero 2016, kapag siya raw ang nanalo sa Mayo 9, 2016 elections, lulutasin niya sa loob ng anim na buwan ang problema sa illegal drugs. Sabi pa niya nang kapanayamin ng media, “Kung gusto n’yo ‘yung nagmumura pero tinutupad ang pangako, I will deliver. In three to six months, I will stop drugs and criminality.”

Nanalo si Duterte sa elections at pagkaupo, pinakilos agad niya ang Philippine National Police (PNP). Nagkaroon ng “Oplan Tokhang” kung saan binabahay-bahay at kinakatok ang pinaghihinalaang drug pushers at addicts. Maraming napatay na drug suspect sa “Oplan Tokhang” na ang implementor ay si dating PNP chief Ronald dela Rosa, ngayon ay senador. Nasa 6,000 ang napatay na drug suspects pero ang sabi ng human rights group, aabot sa 30,000 ang biktima ng extra-judicial killings (EJKs) mula 2016-2022.

Kung paniniwalaan ang mga ibinulgar ni dating police colonel at PCSO general manager Royina Garma noong Oktubre sa House quad committee, may “reward system” na pinairal si Duterte kung saan makatatanggap ng P20,000 hanggang P1-milyon ang mga pulis na makakapatay ng drug suspects. Pinauudyukan umano sa mga pulis na lumaban ang drug suspects para may dahilan na barilin. Sabi ni Garma, pinatawag siya ni Duterte sa bahay nito at nagpahanap ng police official na magsasagawa ng plano na tulad sa “Davao style”.

Noong Abril 2022, dalawang buwan bago ang pagbaba ni Duterte sa puwesto, inamin niya na nagkamali siya nang ipangako na kayang lutasin ang problema sa ilegal na droga sa loob ng anim na buwan. “Sinasabi ko I can clean it in six months. Then after that, I realized na nagkamali talaga ako,” sabi ni Duterte. Malaki raw talaga ang problema sa droga sapagkat ayon sa kanya, maraming PNP generals ang sangkot sa illegal drugs.

Ang kabiguan ng Duterte administration sa drug campaign ay sinang-ayunan ng Dangerous Drugs Board (DDB) nang humarap sa House Committee on Human Rights noong nakaraang linggo. Ayon kay Committee Chairperson Benny Abante, sa kabila ng maigting na drug campaign ng Duterte administration, walang naging pagbaba sa bilang ng mga gumagamit ng illegal drugs. Sa datos ng Dangerous Drugs Board Policy ­Studies, Research and Statistics Division, 4.5 percent lang ang ibinaba ng drug users mula 2016 hanggang 2019 at 11 percent lang mula 2019 hanggang 2023.

Nagkamali si Duterte. Maraming inosente ang napatay sa kanyang kampanya sapagkat ang nanaig sa mga pulis ay ang sinasabing malaking pabuya. Mga maliliit na drug users ang napatay habang ang source ng droga ay lalong dumami ang galamay.

Show comments