Dear Attorney,
Nag-resign na ako sa trabaho dahil may nakuha na akong offer ng trabaho abroad. Ang tanong ko, puwede ba akong makiusap na paiikliin ang 30-day period na kailangan kong i-render matapos mag-resign? Makakasuhan po ba ako kung wala pang 30 days ay hindi na ako pumasok ng trabaho? Kailangan ko na po kasing magsimula sa bago kong trabaho. — Efren
Dear Efren,
Isang obligasyon ang pagre-render ng tamang bilang ng araw matapos mag-file for resignation ang isang empleyado. Sa katunayan nga ay nakasaad sa batas na kailangang mag-render ng 30 days ang isang empleyadong magre-resign kung walang nakasaad ang kanyang kontrata na ukol o taliwas dito.
Bagama’t malaki ang posibilidad na maaring palampasin na lang ng employer ang mga empleyadong hindi nag-render ng tamang bilang ng araw dahil gagastos pa nga naman sila sa abogado at magiging abala pa kung magsasampa sila ng demanda, mahalaga pa ring tandaan na kailangan ng mga employer na mabigyan ng sapat na panahon upang sila ay makapaghanap ng papalit sa empleyadong paalis para hindi maantala ang operasyon ng kanilang negosyo.
Karapatan ng employer na magsampa ng demanda kung nagdulot sa kanila ng pinsala ang naging biglang pag-alis ng empleyado, lalo na kung mapatunayan na may hindi magandang hangarin ang empleyado at sinasadya niya talagang labagin ang kanyang employment contract (Eviota vs. Court of Appeals, G.R. No. 152121, 29 July 2003).
Sa iyong sitwasyon, ang pinakamagandang gawin ay ang pakiusapan mo ang iyong employer na pagbigyan ka sa mas maikling notice period para sa iyong resignation dahil kailangan mo na talagang pumasok sa iyong bagong trabaho. Sa pamamagitan nito ay maari mong mapanatili ang magandang relasyon n’yo ng iyong iiwanang employer at maipakikita mong wala ka naman talagang intensiyong takasan ang iyong obligasyon.