KAMAKAILAN, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Executive Order No. 74 na nagbabawal sa lahat ng POGO sa bansa. Mahigpit ang kautusan na inaatasan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ipatupad ito at tiyaking hanggang Disyembre 31, 2024 na lamang ang lahat nang POGO sa bansa. Pinakikilos din ang Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensiya para ganap na mawalis ang POGO.
Habang abala ang pamahalaan sa pagpapalayas sa POGO, lumutang ang bagong modus ng mga operator ng online gaming at ginagawang front ang mga resort at restaurant. Ginagawa ito para hindi mahalata ang illegal na gawain. Ayon sa report, nagkanya-kanya nang gawa ng paraan ang mga nagpapatakbo ng POGO para hindi sila ganap na mawala sa bansa. Target ay mga resort at restaurant na karamihan ay sa probinsiya ang operation.
Nag-aaplay umano ng business permit para sa resort o restaurant pero ang totoo, POGO ang kanilang patatakbuhin. Sabi ng Department of Interior and Local Government (DILG), nararapat na maging alerto at mabusisi ang local government units (LGUs) sa pag-iisyu ng permit. Baka ang nag-aplay ay may masamang balak at ipagpapatuloy ang POGO.
Bukod sa pagbabago ng anyo ng POGO, isang nakapaghahatid ng pangamba ay ang ibinulgar ni Senator Risa Hontiveros na may mga government officials na tumutulong sa mga illegal POGOs para makapagpatuloy sa kanilang operasyon sa bansa. Sa halip na tumulong ang mga opisyal ng gobyerno sa pagdurog sa POGO, tinutulungan nila para magtuluy-tuloy ang operasyon. Isang masasabing paghuhudas sa bayan. Talamak ang mga krimen sa bansa dahil sa POGOs at naaatim pa ng mga opisyales ng gobyerno na tulungan ang mga ito.
Ayon kay Hontiveros, may nakarating sa kanyang mga impormasyon na may mga government official na kinakasabwat ng POGO para sa pagpapatuloy ng operasyon. Pinapayuhan umano ng mga opisyales ang POGO na baguhin ang kanilang porma sa Business Process Outsourcing (BPO) pero mananatiling POGO pa rin ang operasyon. Bukod dito, marami pa umanong ipinapayo ang government officials para magtuluy-tuloy ang POGO.
Lansaging tuluyan ang POGO. Hindi dapat manaig ang masamang hangarin ng mga government officials na ang bansa ang magdurusa sa masamang dulot ng online gambling. Hulihin ang mga “hudas” na government officials na kumakalong sa POGO.