NANG lalapitan na ni Henry at akmang sisipain ang nagtutulug-tulugang si Jeff, bigla nitong iniunat ang katawan at mga kamay.
Iminulat ang mga mata. Nakita niya ang nakangising si Henry. Kamukhang-kamukha ito ng isang batikang kontrabida.
“O, nagising na pala si Kumag! Sisipain ko na sana!’’ sabi ni Henry kay Jeff.
Lumapit si Puri.
“Jeff, gising ka na? Hindi ka na lasing?”
Sumabad si Henry.
“Tatanungin mo pa kung gising e iyan at mulat na mulat!’’
“Baka kasi nananaginip lang. Marami kasing nainom yan. Halos maubos ang Black Label!’’
“Baka umaarte lang yan!’’
“Kanina pa talaga yan tulog dahil sa kalasingan.’’
“O sige paghandain mo na yan at aalis na tayo. Nasasayang ang oras ko. Bukas may yayariin pa ako!’’
“Jeff di ba sabi mo ibibigay mo sa akin ang pera mo kapag sinabi ko sa’yo ang kinaroroonan ni Mayang?”
“Oo! Nasaan siya? Sabihin mo sa akin kung nasaan si Mayang!’’ sigaw ni Jeff.
Nagalit si Henry.
“Hoy huwag kang sumigaw! Baka yariin na kita!”
“Sige yariin mo!’’
“Aba’t matigas na ang kumag na ito!”
Binunot ni Henry ang kalibre 45 sa tagiliran at itinutok kay Jeff.
“Gusto mo itumba na kita?’’
“Sige gawin mo!’’
“Huwag Henry!”
“Makulit eh!”
“Hindi natin makukuha ang pera pagbinaril mo siya!’’
Isinuksok ni Henry ang baril sa tagiliran.
“Pasalamat ka Kumag, kung hindi…”
“Tama na Henry!’’
Binalingan ni Puri si Jeff.
“Ano Jeff punta na tayo sa bahay mo?’’
Tumango si Jeff. (Itutuloy)