Pirma ng humiwalay na asawa, kailangan ba?

Dear Attorney,

Kapag annulment po ba kailangan ng pirma ng both sides? Gusto ko pong malaman kung kailangan ko papirmahan ang affidavit of separation sa asawa kong matagal ng humiwalay sa akin. — Henry

Dear Henry,

Hindi mo dapat ipag-alala ang kooperasyon ng iyong asawa dahil wala ka namang kailangang papirmahan sa kanya kapag ikaw ay nagsampa ng annulment sa korte.

Sa katunayan nga ay hindi pagbibigyan ng korte ang hiling na annulment ng inyong kasal kapag nalamang may kooperasyon sa pagitan ninyong dalawa.

Kapag naisampa na kasi ang petisyon para sa annulment ay aatasan ng korte ang piskal na imbestigahan kung may “collusion” o kutsabahan ba sa pagitan ninyong mag-asawa. Aalamin ng piskal kung nagkasundo lang ba kayong dalawa na maghiwalay at wala naman talagang legal na dahilan upang ipawalambisa ang inyong kasal.

Kung mabisto ng piskal na may kasunduan kayo katulad ng sinasabi mong pirmahan sa pagitan­ niyong dalawa ay magiging dahilan ito para sa dismissal o pagkabasura ng iyong petisyon para sa annulment.

Kaya walang saysay na magpapirma ka ng “affidavit of separation” sa iyong asawa. Maari kang gumawa ng affidavit pero ito ay para sa iyo lamang at maglalaman ng iyong testimonya na iprepresenta sa korte kapag dinidinig na ang annulment case.

Sa halip na kooperasyon ng iyong asawa ay ang pagkakaroon ng legal na basehan para sa pagpapawalambisa ng inyong kasal ang dapat mong problemahin. Ito lang ang tanging mahalaga sa paningin ng batas kaya bago pa maisampa ang kaso ay kailangan mong siguraduhing mayroon ka ng sapat na ebidensiya para patunayan ang anumang legal na basehang mayroon ka para sabihing walang bisa o maaring mapawalang-bisa ang inyong kasal.

Show comments