SA halip na sagutin ang tanong ni Puri, dinampot ni Jeff ang baso ng alak at lumagok. Hindi nito inubos.
“Baka malasing ka na naman,’’ sabi ni Puri.
“Kaunti lang.’’
“Mamaya ka na uminom.’’
“Gusto kong makalimot.’’
“Kanino? Kay Maria—kay Mayang?’’
Nagkunwari si Jeff. Tumango.
“Tanggap mo nang hindi ka mahal ni Mayang?”
Tumango si Jeff.
“Di ba sabi ko nga sa’yo, kalimutan mo na siya. Mayroon na siyang iba. Narito naman ako.’’
Patuloy sa pagkukunwari si Jeff. Kailangang malaman niya kung nasaan si Mayang.
Dinampot ni Puri ang baso na may alak. Tinungga ang laman.
Pagkatapos ay sinalinan. Binigay kay Jeff.
“Inumin mo pero kalahati lang. Baka malasing ka at makatulog.’’
Ininom ni Jeff.
Niyakap siya ni Puri.
“Saan nakatago ang pera mo Jeff?’’
“Nasa ATM ko. Bakit mo itinatanong?’’
(Itutuloy)