Nag-resign na ­empleyado, makatatanggap ba ng 13th month?

Dear Attorney,

Balak ko pong mag-resign pagkatapos ng November. Makatatanggap pa rin ba ako ng 13th month pay sa employer ko ngayon? —Herbert

Dear Herbert,

Dapat ay kasama sa final pay mo ang 13th month pay kung hindi pa ito naibibigay sa iyo bago ka mag-resign at umalis sa kasalukuyan mong employer.

Wala namang nakalagay sa batas na kailangang isang buong taon ang ginawang pagseserbisyo ng isang empleyado para sa employer upang siya ay makatanggap ng 13th month pay.

Ibig sabihin, may karapatang makatanggap ng 13th month pay ang isang katulad mo na nag-resign bago matapos ang taon.

Upang malaman mo kung magkano ang dapat na halaga ng 13th month pay mo, kailangan mo lang i-compute kung magkano ang lahat-lahat ng sahod na natanggap mo mula Enero hanggang sa puntong nag-resign ka.

Matapos mong makuha ang kabuuang halaga na ito ay kailangan mo lang itong i-divide sa 12 upang makuha mo kung magkano ang 13th month pay na maari dapat mong matanggap bilang bahagi ng iyong final pay.

Show comments