Mayang (14)

Nagbabalik na ang ulirat ni Jeff. Nawawala na ang kalasingan niya.

Nauulinigan niya ang pagsasalita ni Puri. May kausap ito sa cell phone. Hindi niya matiyak kung lalaki o babae ang kausap ni Puri. Mariin ang mga salitang binibitawan ni Puri. Parang mahalaga ang mga sinasabi ng kausap.

Nagkunwari si Jeff na natutulog. Pakikinggan niya ang pakikipag-usap ni Puri. Sa lakas ng boses ng kausap ay naririnig din niya ito.

“Mamaya ka na tumawag. Busy ako!” sabi ni Puri.

“Nasaan siya?’’ tanong ng kausap ni Puri sa kabilang linya.

“Nakatulog! Nalasing marahil!’’

“Nagawa mo na ang ­plano?’’

“Ginagawa ko pa nga e bigla kang tumawag!’’

“Ba’t ang bagal mo? Di ba kanina pa yan diyan? Baka makahalata yan?’’

“Hindi!’’

“Dapat mapaamo mo yan nang todo para makuha mo ang pera.”

“Akong bahala.”

“Pero sigurado ka ba na marami ngang pera yan?’’

“Oo. Seven years na nagtrabaho sa New Zealand. Maraming ipon!”

“Wow!”

“Paldo ito, Henry!’’

Patuloy si Jeff sa pakikinig. Nakapikit siya na kunwari’y tulog. Lalaki ang kausap ni Puri at Henry ang pangalan.

Nagpatuloy ang pag-uusap nina Puri at Henry.

“Kumbinsihin mong mabuti para mahuthot mo ang pera.’’

“Ganun nga ang ginagawa ko. Kanina, ­sinimulan ko nang paligayahin pero tumawag ka.’’
“Sige ituloy mo ang pagpapaligaya. Kailangan, ­makuha mo ang ATM niya. Tiyak na naroon ang pera niya.”

“Oo. Kapag nakuha ko ang ATM, biglang yaman tayo.’’

“Kapag nagkamalay e painumin mo uli ng alak. Lasingin mo na tapos ­halughugin mo ang pitaka!’’

“Oo. Sige. Ganun ang gagawin ko.’’

Lahat iyon ay naririnig ni Jeff.

(Itutuloy)

Show comments