NANGANGAMBA ako na maaaring dumating ang araw na ang mga exclusive bus lanes sa EDSA ay maging dahilan ng barilan at madugong patayan. Ang bus lanes ay para lang sa eksklusibong gamit ng mga bus at hindi maaaring gamitin ng ibang motorista kahit pa mataas na opisyal ng pamahalaan. Malaki ang naitulong nito sa pagpapaluwag sa traffic sa EDSA.
Ngunit maraming hambog na driver na ipinangangalandakan na sila’y driver ng mga heneral, mambabatas o opisyal ng Gabinete kapag sila ay sinita ng mga traffic enforcers. Kapag nagmatigas ang enforcer na huwag silang paraanin, nananagasa pa ang mga hinayupak! Ang dapat na parusa sa mga iyan ay hindi lamang multa kundi alisan ng drivers license.
Palibhasa, walang full authority matangi sa implementation ng traffic rules ang mga MMDA enforcers kaya sila’y minamaliit ng mga aroganteng motorista. Wala silang nakasukbit na baril kaya para lang silang pulis-pulisan sa mata ng mga hambog na motorista na karamihan ay nagpapanggap lamang na public officials.
Ang solution ay pabantayan sa mga kagawad ng Highway Patrol Group (HPG) ang mga bus lanes. Palagay ko matatakot maski paano ang mga gustong lumabag sa patakaran sa paggamit ng bus lanes. Sa pinakahuling insidente ilang araw na ang nakararaan. Isang SUV na may numerong 7 ang nangahas magdaan sa bus lane. Ang plate number na ito ay para lamang sa mga senador.
Nanagasa pa umano ng traffic enforcer ang driver nito nang siya ay bawalan. Totoo kayang senador ang may-ari ng sasakyan o nagpapanggap lang? Kung totoong ito’y sa isang senador, dapat lumantad ang mambabatas na may-ari, magsori at kastiguhin ang kanyang driver.
Inuulit ko, huwag ipaubaya sa traffic enforcers ang pagbabantay sa bus lanes kundi sa HPG.