May isa na namang mamamahayag na pinatay. Parang manok na binaril. Nakaupo sa harapan ng isang tindahan sa Brgy. Tumaga, Zamboanga City noong Martes si Maria Vilma Rodriguez, 56, nang malapitang barilin ng isang lalaki. Tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Rodriguez. Mabilis namang tumakas ang suspek. Isinugod sa ospital si Rodriguez subalit dead on arrival ito. Si Rodriguez ay reporter ng Brigada Station at host ng public affairs program ng 105.9 EMedia Radio. Hinahanap ng mga awtoridad ang suspek at inaalam ang motibo sa pagpatay.
Kinondena ng Malacañang ang pagpatay kay Rodriguez at ipinag-utos ang mabilisang paghuli sa suspek. Si Rodriguez ang ikalimang mamamahayag na pinaslang sa termino ni President Ferdinand Marcos Jr.
Noong Setyembre 18, 2022, pinatay ang radio broadcaster na si Rey Blanco ng Mabinay, Negros Oriental. Pinagsasaksak siya habang patungo sa pinaglilingkurang radio station. Hindi pa nahuhuli ang killer ni Blanco.
Noong Okt. 3, 2022, binaril at napatay ang veteran broadcaster na si Percy Lapid habang patungo sa kanyang tanggapan sa Talon Dos, Las Piñas. Hindi pa naaaresto ang “utak” sa pagpatay na si dating BuCor director Gerald Bantag.
Noong Mayo 31, 2023, binaril at napatay ang broadcaster/commentator na si Cresenciano Bunduquin ng Brgy. Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro. Binubuksan ni Bunduquin ang kanyang sari-sari store nang pagbabarilin ng isang lalaking nakamotorsiklo. Hindi pa nalulutas ang kaso.
Noong Nobyembre 5, 2023, pinagbabaril ang radio broadcaster na si Juan Jumalon sa Calamba, Misamis Occidental. Hindi pa nahuhuli ang pumatay kay Jumalon.
Ang pinakakarumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay naganap noong Nobyembre 23, 2009 sa Maguindanao kung saan 32 mamamahayag ang walang awang pinagbabaril kasama ang supporters ng isang kandidato. Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang magkakapatid na Ampatuan makaraang mapatunayan na sila ang “utak” ng krimen subalit mayroon pang nakalalaya hanggang sa kasalukuyan.
Noong nakaraang buwan, sinabi ni Marcos Jr. na poproteksiyunan ang mga mamamahayag. Ipinangako niya ito nang magtalumpati sa ika-50 anibersaryo ng Publishers Association of the Philippines, Inc. Binibigyang halaga umano ng pamahalaan ang mga mamamahayag bilang bantay ng komunidad at tagapagtanggol ng kalayaan sa pamamahayag.
Tuparin ni Marcos ang pangako. Isilbi ang katarungan sa mga pinaslang na mamamahayag. Dakpin ang “utak” sa karumal-dumal na pagpatay.