Sa panahon ng kalamidad lumulutang ang mga gahaman o mga mapagsamantalang negosyante. Sila yung mga walang iniisip kundi ang kumita nang malaki sa kabila na ang mga kababayan ay saklot ng kadahupan ang buhay dahil sa pagtama ng kalamidad. Maituturing nang walang puso ang mga taong ito at dapat maisumbong at maipagharap ng reklamo sa Department of Trade and Industry (DTI). Hindi dapat patawarin ang mga mapagsamantalang negosyante.
Maraming lugar ang sinalanta ng Bagyong Kristine. Maraming bahay, ari-arian, pananim ang nasira at nasalanta.
Sa Bicol Region na pinakagrabeng napinsala, maraming nawalan ng bahay. Kung hindi nawasak ay tinangay ng baha. Isang babaing biktima ang umiiyak sapagkat wala man lang silang naisalbang gamit makaraang tangayin ng baha ang kanilang bahay. Tanging ang damit na suot lamang ang natira sa kanila. Ganunman, nagpapasalamat siya dahil ligtas silang mag-anak.
Grabe ring sinalanta ang Calabarzon. Maraming bahay ang nasira sa maraming bayan sa Batangas makaraang rumagasa ang baha. May mga namatay nang matabunan ng lupa. Marami ring napinsala sa ilang bayan sa Quezon province. Bumaha rin sa ilang bayan sa Laguna at Cavite.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), 46 na ang namatay dahil sa bagyo.
Bantayan ng DTI ang mga presyo ng bilihin sa mga nasalantang lugar. Tiyak na maraming gahamang negosyante ang magsasamantala. Ayon sa DTI, nag-isyu na sila ng 60-araw na price freeze sa mga pangunahing bilihin gaya ng sardinas, noodles, gatas, kape, tinapay, sabong panlaba at iba pa. Ang mga negosyanteng mapatutunayang nagsamantala ay makukulong ng 10 taon at pagmumultahin ng mula P5,000 hanggang P1 milyon.
Hindi naman binanggit ng DTI kung kasama sa price freeze ang mga gamit sa paggawa ng bahay gaya ng hollow block, semento, coco lumber, pako at iba pang materyales para maitayo ang mga nawasak na bahay.
Dapat magkaroon ng hotline number ang DTI na agad matatawagan ng mga biktima ng kalamidad sa oras na pagsamantalahan sila ng mga gahaman. Hindi dapat mag-atubili ang mga mamamayan sa pagrereport ng mga walang puso at tusong negosyante.