PITONG buwan na lamang, idaraos na ang ating mid-term election kung saan ay iboboto ng 68 milyong botante ang mahigit sa 18,000 elective officials: 12 Senador, 254 Kongresista, 63 kinatawan ng mga partylists, at 17,942 Gobernador, Bokal, Mayor at Konsehal. Tatlong taon lamang pagkatapos nito ay isasagawa naman ang presidential election.
Sa tuwing dumarating ang eleksyon, umaasa tayo na maboboto ang mga karapat-dapat at makakaranas tayo ng malawakan at makabuluhang mga pagbabago. May mga nananalo namang karapat-dapat, ngunit tila kakaunti lamang sila, sapagkat sa halip na tayo’y sumulong, lalo pa tayong umuurong. Patuloy ang ating pangungulelat kumpara sa mga kapitbahay natin sa Asya sa lahat na yata ng aspeto ng buhay. Lalo pang lumalala ang ating sakit bilang tinaguriang, “The Sick Man of Asia.”
May mga botante na hindi na bumoboto sa katuwirang wala namang nangyayari, kaya’t sayang lang ang kanilang boto. May ilan naman na ginagawang hanapbuhay ang eleksyon sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang balota. Ang katuwiran, kumita man lamang sila ng kaunti bago kumita ng limpak-limpak ang mga mananalo. Ang may pinakamalaking alok ang tumatanggap ng kanilang boto.
Pabagsak tayo nang pabagsak hindi lamang sa larangan ng ekonomiya, lalo’t higit sa larangan ng moralidad. Ang mga pagdinig na isinasagawa ng Quad Committee ng Kamara (Committee on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts) ay nagpapakita ng kahinaan ng sistema ng ating hustisya at ang pagkakasangkot ng matataas nating lider sa mga ilegal na sugal at droga, extrajudicial killing, at katiwalian.
Nakakasindak ang lumalabas na mga testimonya ng mga saksi at mga resource persons na akala mo’y sumusubaybay ka sa isang madramang tele-novela.
Ang dalawang pinakamataas na lider ng ating bansa, ang ating Presidente at Bise Presidente na nagsanib-puwersa noong nakaraang presidential election, ay nagpapalitan ng maaanghang na pananalita, kung saan ang Bise Presidente ay nagsabi pang ipahuhukay niya ang mga labi ng yumaong Presidente Marcos at ipatatapon niya sa West Philippine Sea.
Lumipas na ang panahon na ang ating matataas na lider ay halimbawa ng magalang at mahinahong pananalita. Sino ang maaaring pamarisan ng ating mga kabataan?
Napakahalaga sa isang lipunan ang pagkakaroon ng mga role models na nagpapatuloy ng magagandang katangian ng isang lahi. Noong nakaupo pang presidente si Digong Duterte na inaalmusal ang mura, napakahirap bawalan ng isang kabataan o batang nagmumura.
Noon, may binawalan akong mga nagbabasketball na napakalutong ng pagmumurahan. Nang pagsabihan kong masama ang pagmumura, ang sagot sa akin ng isa ay ito: “Presidente nga natin nagmumura eh.” Wala na akong nasabi.
Ang eleksiyon ang tila paboritong aliwan nating mga Pilipino. At totoo naman ito, ang eleksiyon ang tinaguriang national hobby ng mga Pilipino. Kaya nga lang, para sa atin, tila hindi eleksiyon ang pamamaraan para mailuklok ang mga karapat-dapat na tao sa kapangyarihan.
Sa loob man at labas ng gobyerno, maraming nabobotong hindi naman karapat-dapat. Pero wala tayong magagawa, ang eleksiyon ang pamamaraan ng pagpili ng mga lider sa isang demokratikong lipunang tulad natin.
Ang tanging magagawa natin ay pagtiyagaan ang pagsusulong ng voters education program, kung saan dapat masangkot ang mga organisasyong sibiko, kasama na ang simbahan. Kapag tinigilan natin ito, isinusuko na natin ang lahat ng ating pag-asa.