NAGWAKAS ang paghahasik ng lagim ng dalawang miyembro ng terrorist group na Dawlah Islamiyah at tatlong kasama nang matigok sila sa barilan sa pamamagitan ng magkasanib na puwersa ng PNP at AFP sa Lanao del Norte. Ang masama n’yan, may dalawang kasama pa silang naaresto, at isa rito ay sugatan. Kinilala ni CIDG director Brig. Gen. Nicolas Torre lll ang mga terorista na sina Musa Dama, at Uya Dama, na sangkot sa samu’t saring kaso ng kidnapping at murder. Ayon kay Torre, imbes na sumuko, nakipagputukan itong grupo ng terorista at hindi sila pinatawad ng nakapaligid na PNP at AFP units.
Sa mabuting palad, walang sugatan sa hanay ng mga government raiders, na ang pangunahing layunin ay mag-serve ng arrest warrants laban sa magkapatid na Dama. Ayon kay Torre, si Uya Dama alyas Lagbas, o Aragon ay Emir ng Dawlah Islamiyah na nag-ooperate sa Maguindanao. Miyembro rin ito ng criminal gang na Kiang Balingbingan na sangkot sa kidnapping ni Laarni Buen, secretary ng Cebeles Marine Products sa Zamboanga Sibugay noong 2018.
Kasama rin ito sa pakikipagbakbakan sa tropa ng SAF troopers sa Mamasapano kung saan 44 na pulis ang nalagas at pangunahing suspect pa sa pagkamatay ni CAFGU member Salipada Manguda sa Zamboanga Sibugay ng nakaraang taon. Isa rin itong bomb maker at person of interest sa vehicle-borne IED sa AJ beach store sa Zamboanga del Sur ng nakaraang September 17. Kinontak din ni Aya Duma si alyas Abu Zacariah, ang Emir ng ISIS sa East Asia upang i-transfer ang kuta niya galing Sibugay papuntang Lanao upang makipag-consolidate sa DI-Maute group. Mabuti’t di siya pinayagan. Kung nabuhay pala ang Dama brothers, marami pa silang ihahasik na criminal activities.
Ayon kay Lt. Col. Jynleo Bautista, chief of CIDG Zamboanga del Sur, namataan ng PNP at AFP intel operatives ang Dama brothers sa Bgy. Bangco, Sultan Naga Dimaporo sa Lanao del Norte kaya ipinatupad kaagad nila ang Oplan Paglalansag Omega at Oplan Salikop. Alam naman ng mga intel na armado ang grupo kaya’t samu’t saring units ng PNP at AFP ang bumiyahe ng lampas isang oras para mai-serve ang warrant of arrests laban sa magkapatid sa kasong murder at iba pa.
Pinaligiran ng raiding teams ang kuta ng Dama brothers ng mga bandang 1:05 a.m. noong Miyerkules, subalit namataan ng mga ito ang advance party, na pinaputukan kaagad nila. Siyempre, gumanti ng putok ang tropa at natapos ang labanan bandang 11:30 a.m. Inaresto sina Rauf Datumaas, at Bocare Datumaas, na sugatan at isinugod ng mga raiders sa ospital. Maliban sa Dama brothers, tigok din sina Elum Datumaas, Husni Datumaas, at isang John Doe. Nakumpiska sa kanilang ang iba’t ibang high-powered firearms at mga bala. Ayon kay Bautista, ang bangkay ng lima ay maayos na nai-turnover sa kanilang mga kaanak sa harap ng mga barangay officials na sina Saimen Alilang at Musa Binaloy, Ang mga raiders ay armado ng body worn cameras. Abangan!