NOONG Martes, nagtaas na naman ng presyo ang diesel, gasoline at kerosene. Nagtaas ng P2.70 sa diesel, P2.65 sa gasoline at P2.60 sa kerosene. Apat na linggo nang sunud-sunod na nagtataas ang petroleum products. Dahilan sa pagtaas ang labanan sa pagitan ng Israel at grupong Hezbollah sa Lebanon. Ayon sa report, tumitindi ang labanan kaya posibleng magtuluy-tuloy pa ang pagtaas ng produktong petrolyo.
Kapag nagpatuloy ang oil price hike, walang ibang kawawa kundi ang mamamayan na kakarampot ang kinikita. Sa pagtaas ng petrolyo, sabay na tumataas ang mga presyo ng bilihin. Tiyak na tataas ang presyo ng mga produktong iniluluwas sa Metro Manila galing probinsiya. Tataas ang presyo ng bigas, gulay, prutas, manok at baboy. Gumagamit ng gasolina at diesel para mailuwas ang mga ito sa Metro Manila.
Tiyak na tataas din ang iba pang pangunahing bilihin gaya ng sardinas, noodles, asukal, mantika at iba pa. Kapag tumaas ang petrolyo, hahatakin pataas ang presyo ng mga produkto. Babawiin sa presyo ng produkto ang itinaas sa gasoline at diesel.
Ang pinakamasakit, kapag humingi ng increase ng pasahe ang transport groups. Dahil sa pagtaas ng petrolyo, wala nang kinikita ang mga drayber. Kakarampot ang inuuwi sa pamilya at kulang pa dahil sa pagtaas ng mga bilihin. Ayon sa mga drayber ng jeepney, ang naiuuwi nilang P700 ay P300 na lamang ngayon dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng diesel.
Noong nakaraang taon, nagbigay ng fuel subsidies ang pamahalaan sa PUV drivers. Binigyan ng tig-P6,500 ang mga driver ng tradisyunal na jeepney, public utility buses, mini buses, taxi, shuttle services taxis, transport network vehicle services, tourist transport services, school transport services at Filcabs. Ang drivers ng delivery services ay tumanggap ng P1,200 at ang tricycle drivers ay P1,000.
Sa kasalukuyan, walang ganitong plano ang pamahalaan at maaaring hindi na magbigay ng fuel subsidies. Walang naririnig na solusyon para mapagaan ang pasanin na idinulot ng pagtataas ng petroleum products.
Nararapat itigil muna ng pamahalaan ang excise tax sa petrolyo para bumaba ang presyo. Nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (Republic Act 10963) o TRAIN Law na kapag umabot sa $80 per barrel ang crude oil, maaaring suspendihin ang tax sa petroleum products.
Ipatupad sana ito ng pamahalaan para mabawasan ang mabigat na pasanin ng mga maliliit na mamamayan. Kawawa naman sila na dapa na sa hirap ng buhay.