Pinakamaliit na Rubik’s Cube sa mundo, matatagpuan sa Japan!
ISANG Japanese toymaker company ang nakagawa ng pinakamaliit na Rubik’s Cube sa buong mundo!
Inanunsyo kamakailan ng kompanyang MegaHouse na available na for pre-order ang kanilang Rubik’s Cube na may sukat na 0.19 inches ang lapad, 0.19 inches ang taas, at 0.19 inches ang haba. Ito ay halos 1,000 beses na mas maliit kaysa sa orihinal. Sa sobrang liit nito ay kakailanganin gumamit ng tsane para malaro ito.
Dahil sa sukat nito, kinumpirma ng Guinness World Records noong August na ito ang pinakabagong record holder ng titulong “World’s Smallest Rotating Puzzle Cube”.
Ayon sa Megahouse, sinimulan ng kumpanya ang konseptwalisasyon nito apat na taon na ang nakalilipas at nagsimula ang proseso ng produksyon nito noong 2022. Ang paglabas ng pinakamaliit na Rubik’s Cube ay kasabay ng ika-50 anibersaryo ng orihinal na Rubik’s Cube.
Nagkakahalaga ng 777,777 yen (300,000 pesos) ang Rubik’s Cube at maaaring ito na rin ang pinakamahal.
- Latest