KULANG ang mga silid-aralan sa bansa. Tuwing opening ng klase, problema kung saan magkaklase ang mga estudyante. Siksikang parang sardinas sa maliit na classroom. May nagkaklase sa lobby at mayroOn din sa lilim ng puno.
Ang ideya na i-convert ang mga sinalakay na POGO hubs sa classroom ay unang sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) chief Usec. Gilbert Cruz. Sinalakay ng PAOCC ang mga gusali sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga. Sabi ni Cruz, maaring i-convert na mga eskuwelahan o tanggapan ng gobyerno ang POGO hubs.
Magandang ideya ito. Sa lawak at dami ng mga gusali ng POGO, maraming mag-aaral na makikinabang kung gagawing eskuwelahan ang mga ito. Malaking tulong sa Department of Education (DepEd) kung gagawing eskuwelahan ang POGO hubs. Bukod sa konkreto, kumpleto pa sa mga pasilidad kaya makikinabang ang mag-aaral.
Ang POGO hubs sa Bamban, kung saan naging mayor si Alice Guo, ay nasa 36 na gusali na nakatayo sa compound na pag-aari umano ni Guo. Nasa likod ng munisipyo ng Bamban ang POGO hubs.
Ang POGO hubs sa Porac ay mas malaki sapagkat nasa 46 na gusali. Nakatayo ang mga gusali sa isang malawak na lupain. Kumpleto sa pasilidad ang POGO hubs sa Porac.
Bukod sa Bamban at Porac, marami ring POGO hubs sa Parañaque at Pasay. Nasa mga malalaki ring gusali ang mga ito na maaaring gawing eskuwelahan o kaya’y tanggapan ng gobyerno. Malaking tulong kung gagamitin ng mamamayan ang mga POGO hubs at malaking katipiran sa gobyerno.
Marami ring POGO hubs sa Cavite na sinabi ni DILG Jonvic Remulla na ipasasara niya sa Disyembre 15. Nasa malalaking gusali ang POGO hubs na tamang-tamang gawing school o government offices. Puwede ring gawing evacuation centers ang mga gusali ng POGO.
Sabi ng PAOCC, nasa 200 POGO hubs pa ang nag-ooperate at ang karamihan ay nasa probinsiya. Nasa malalaking building din umano ang mga ito at nag-eempleyo pa nang maraming tao. Sabi ng PAOCC, unti-unti na nilang malilipol ang mga POGO bago pa ang pagtatapos ng 2024 gaya ng direktiba ni President Marcos Jr.
Magandang ideya na i-convert sa mga eskuwelahan ang mga gusali ng POGO. Ito ang sagot sa kakulangan ng mga classrooms. Kung magiging classroom ang mga POGOan, wala nang magdaraos ng klase sa lobby o kaya’y sa lilim ng puno. Sa dami ng POGO hubs sa buong bansa, malulutas ang problema ng DepEd.