Tinanggal habangnaka-maternity leave
Dear Attorney,
Illegal dismissal po ba ang ginawa sa akin? Naka-maternity leave po ako ngayon pero nitong nakaraang linggo ay nalaman ko na tinanggal na raw ako at may ipinalit na raw sa akin. Nang tanungin ko kung bakit ay ang mababang performance ko raw ang dahilan kaya ako pinalitan. —Chelsea
Dear Chelsea,
Illegal ang pagkakatanggal sa iyo kung ang tanging dahilan nito ay ang hindi mo pagpasok dahil sa ikaw ay naka-maternity leave.
Ang mga tinatawag na authorized at just causes lamang ang maaring maging basehan ng termination o pagkakatanggal ng isang empleyado at hindi kabilang sa mga ito ang hindi pagpasok dahil sa maternity leave.
Bukod dito, kailangan din na dumaan sa due process o sa tamang pamamaraan ang pagtatanggal sa empleyado ano man ang basehan nito.
Kailangang sumunod sa twin notice rule ang employer kung ang pagtanggal ay base sa just cause o sa 30-day notice rule naman sa kaso ng mga authorized causes.
Sa sitwasyon mo, mukhang hindi ka nabigyan ng kahit anong notice dahil nalaman mo na lamang na may ipinalit na sa iyo.
Kaya may basehan man o wala ang iyong employer sa pagkakatanggal sa iyo ay may sapat ka pa ring dahilan para magsampa ng reklamo dahil hindi naman idinaan sa tamang proseso ang iyong termination.
- Latest