NAGPAPATULOY ang pagbomba ng Israel sa grupong Hezbollah sa Southern Lebanon. Target ng Israel ang pinagkukutaan ng Hezbollah sa Southern Lebanon. Gumaganti naman ang Hezbollah na nagpapakawala rin ng mga rocket. Noong nakaraang linggo, nagpakawala ng daan-daang missile rockets ang Iran sa Israel bilang pakikisimpatya sa grupong Hamas sa Gaza at Hezbollah sa Lebanon. Isang Israeli soldier ang napatay sa missile attack. Nagbanta ang Israel na gaganti sa Iran.
Eksaktong isang taon na ang kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas. Sinalakay ng Hamas ang mga Israeli habang nagkakasayahan sa isang lugar malapit sa Gaza noong Oktubre 7, 2023. Maraming Israeli nationals ang napatay habang marami rin ang binihag. Hanggang ngayon, nananatiling hawak ng Hamas ang mga bihag. Subalit determinado ang Israel na pagbayarin ang Hamas sa ginawang pagsalakay. Halos mapulbos na ang mga gusali sa Gaza dahil sa pambobomba ng Israel. Marami na ang namamatay pero sabi ng Israel, hindi sila titigil hangga’t hindi napapatay ang mga matataas na lider ng Hamas.
Habang gumaganti ang Israel sa Hamas, nakisali na rin ang Hezbollah sa giyera. Dalawang grupo ang kalaban ng Israel sa kasalukuyan at kung magpapatuloy ang pagwasak nila sa mga pinagkukutaan ng Hezbollah sa Lebanon, posibleng sumali na ang Iran.
Ang Lebanon ngayon ang nagmimistulang war zone sapagkat narito ang headquarters ng Hezbollah. Nagsasagawa ng ground operations ang Israel para mapasok ang kuta ng Hezbollah. Hindi umano titigil ang Israel sa paglusob sa Hezbollah gaya ng ginagawa nila sa Hamas sa Gaza.
Maraming foreign nationals sa Lebanon na kinabibilangan ng Americans, Australians, Chinese, Brazilian, Canadians, French, Germans, Italians, Japanese, Dutch, Portuguese, South Koreans, British, Spaniards, Slovaks, Russians, Pilipinos at marami pa.
Naghahanda at may plano na para sa paglilikas sa mga foreign nationals doon maliban na lamang na yata sa Pilipinas. Maraming OFWs sa Lebanon na tinatayang nasa 11,000 na karamihan ay nagtatrabahong domestic helpers. Sa isang news forum sa Quezon City noong isang araw, walang balak ang gobyerno na itaas ang alert status sa Lebanon. Hindi pa raw dapat.
Kahapon, isang OFW ang ininterbyu sa programa ni Kabayan Noli at sinabi nitong wala pa siyang nakukuhang tulong sa pamahalaan. Nangangamba umano siya sa kalagayan dahil pina-padlock ng kanyang amo ang gate para hindi makalabas. May mga domestic helpers umano na inaabandona ng employers.
Hihintayin pa ba ng pamahalaan na may OFWs na mamatay bago magsagawa ng repatriation? Kumilos na sana nang mabilis ang DFA at DMW.