ISANG mag-asawa sa Australia ang hindi inakalang makikita pa ang nawawala nilang wedding video sa tulong ng social media website na Facebook!
Kolektor si Terry Cheyne ng mga Super 8 films. Nilalaman ng kanyang mga koleksiyon ay kuha mismo ng kanyang pamilya at mga kamag-anak sa kanilang lugar sa Aberdeen, Scotland.
Nang ipa-digitalize niya ang mga ito ay nagtaka siya kung bakit may napasamang isang video footage ng isang kasal na hindi naman niya kilala ang mga tao roon. Upang matunton ang mga tao sa wedding video, ipinost ni Terry ito sa local Facebook group ng mga taga-Aberdeen upang ipagtanong kung may nakakakilala sa mga nasa video.
Tamang-tama naman na ang bride sa video na si Aileen Turnbull ay kakasali lang sa FB group na ito. Hindi makapaniwala si Aileen na lilitaw muli ang wedding video nilang mag-asawa matapos nilang mawala ang Super 8 film nito bago sila lumipat sa Brisbane, Australia.
Ayon kay Turnbull na 77-anyos na ngayon, bago mangibang bansa ay humiram sila ng Super 8 projector at pinanood nila roon ang video. Nang isinauli na nila ang projector, nakalimutan nilang tanggalin doon ang film ng kanilang kasal. Huli na ang lahat dahil nang matandaan nila ito ay nasa Australia na sila. Napag-alaman na ang may-ari ng projector ay tiyuhin ni Terry.
Malaki ang pasasalamat ni Aileen at ng kanyang mister na si Bill na pagkatapos ng 57 taon, mapapanood na nilang muli ang isa sa pinakamasayang pangyayari sa kanilang buhay.