MAGSASAGAWA umano ng missile attack ang Iran sa Israel, ayon sa report ng Cable News Network (CNN) kahapon. Ang Iran ay sumusuporta sa grupong Hezbollah sa Lebanon. Sabi naman ng Israel, mahaharap sa matinding consequences ang Iran kapag nagsagawa ng missile attack. Nagpahayag naman ng suporta ang United States sa Israel. Noong nakaraang Abril, nagpakawala ng 300 missiles at drones ang Iran sa Israel, subalit na-intercept ito ng Israel.
Ang nangyari noong Abril ay maaaring maulit. Patuloy naman ang air at ground operations ng Israel sa Lebanon. Kamakailan, isang lider ng Hezbollah ang napatay sa air strike. Noong nakaraang buwan, isa pang lider nito sa Iran ang napatay din ng Israel.
Habang inuubos ng Israel ang lider ng Hezbollah, patuloy din ang pagdurog nila sa Gaza kung saan naglulungga ang grupong Hamas. Matindi ang ganti ng Israel sa Hamas makaraan ang paglusob nito noong Oktubre 7, 2023 kung saan maraming hinostage. Hanggang ngayon, may mga hawak pang hostages ang Hamas at ito ang patuloy na hinahanap ng Israel. Halos mapulbos na ang mga gusali sa Gaza na pinaniniwalaang pinagtataguan ng Hamas.
Walang nakikitang paghupa sa kaguluhan sa Israel at Lebanon at ngayo’y sumasali pa ang Iran.
Ang nakakatakot ay ang mga maiipit na Pinoy workers sa Israel at Lebanon. Tinatayang 12,000 Pilipino ang nasa Lebanon at karamihan sa mga ito ay nagtatrabahong domestic helpers, barbers at hairdressers. Ayon sa isang OFWs, nakakatakot na ang ginagawang airstrike ng Israel na pakiramdam niya ay sumasabog sa bubong ng bahay ng kanyang amo.
Kitang-kita umano ang walang patid na pagbomba ng Israel sa mga gusali. Yumayanig umano ang kapaligiran dahil sa airstrike.
May mga nananawagan sa pamahalaan ng Pilipinas na magsagawa na ng agarang repatriation sa Lebanon. Ayon sa OFWs sa Lebanon, wala silang nakikitang pagpupursigi ng Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers upang mailikas sila. Kailan daw kikilos kung wala nang patlang ang palitan ng missile.
Kailangan ng OFWs sa Lebanon at maski sa Israel ang agarang tulong at sana naman hindi maging makupad ang DFA at DMW sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Mayroon bang plano para ligtas na makaalis sa Lebanon ang OFWs? Paano ang mga gagawin ng OFWs sakalit at magkagulo na. Tutukan sana ang kalagayan ng OFWs para hindi maipit sa kaguluhan.