‘Sementeryo’ (Last part)

NAKATULUGAN ko ang naramdamang kaluskos at lumalakad sa paanan ko. Magdamag akong nakatalukbong ng kumot. Hindi ko alam kung paano ako nakatulog at paggising ay maliwanag na sa paligid.

Si Ruben ay naghahanda ng mesang kakainan namin. Wala ang kanyang tatay at nanay at maski ang bunsong kapatid.

Bumangon ako. Napa­kapit pa ako sa nitso.

“Halika na Jim. Kain na tayo!” yaya ni Ruben.

“Titiklupin ko lang itong hinigaan natin.’’

“Huwag na. Ako na lang. Kumain ka na para makauwi ka na sa inyo. Tiyak hinihintay ka na.’’

“Oo nga.’’

Umupo ako sa plastic na silya. Sinangag at tuyo ang almusal. May mainit na kape.

“Nasan ang tatay at nanay mo?’’ tanong ko.

“Nasa trabaho na sila.’’

“Ang kapatid mo?’’

“Nasa kaklase niya.’’

Kumain ako.

“Masarap ba ang tulog mo Jim?’’

“Oo.’’

“Di ba hindi naman nakakatakot dito?’’

“Oo,’’ sagot ko.

“Wala namang multo rito gaya nang sinasabi ng ilan.’’

“Oo,’’ sagot ko.

Pagkatapos kumain ay nagpaalam na ako kay Ruben.

Habang naglalakad palabas sa sementeryo ay naalala ko ang nangyari kagabi na may naglalakad sa paa­nan ko. Sana tiningnan ko. Hanggang ngayon, hindi ko malimutan ang pangyaya­ring yun.

Show comments