APAT na taon ang lumipas bago nalantad ang pagpatay kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) secretary Wesley Barayuga. Isiniwalat ng isang opisyal ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) sa hearing ng House quad committee noong Huwebes ang karumal-dumal na pagpatay at kung sinu-sino ang mga nasa likod nito.
Ayon kay Lt. Col Santie Mendoza, lumantad siya dahil kailangan nang manaig ang katotohanan. Napag-utusan umano siya na ipapatay ang taong walang kasalanan. Natatakot din umano siya sa kanyang buhay at kanyang pamilya.
Sabi ni Mendoza, inutusan umano siya ni dating NAPOLCOM Commissioner Edilberto Leonardo na patayin si Barayuga sa utos naman ni dating PCSO General Manager Royina Garma. Ayon kay Mendoza, ipinapapatay si Barayuga dahil sangkot umano ito sa illegal drugs.
Nang sabihin umano ni Mendoza na magsasagawa siya ng profiling kay Barayuga, sinabi ni Leonardo na hindi na kailangan dahil tapos na at ibibigay na lang sa kanya ang profile at plate number, kulay at uri ng sasakyan ni Barayuga. Pati ang retrato umano ni Barayuga ay ibinigay para madali itong makilala. Sabi pa raw ni Leonardo sa kanya, ang isasagawang pagpatay ang magdidikta sa direksyon ng kanyang karera bilang pulis.
Sabi ni Mendoza sa pagdinig, hindi niya matanggihan si Leonardo dahil upper classmen niya ito sa Philippine National Police Academy. At isa pa, ang nag-uutos mismo ay ang PCSO general manager. Binigyan umano siya ng P300,000.
Ipinasa umano niya ang lahat ng impormasyon sa asset na si Nelson Mariano at ito naman ang komontak sa gunman na kinilala sa alyas Loloy. Isinagawa ng gunman ang pag-ambush sa corner ng Calbayog at Malinao Streets sa Bgy. Highway Hills, Mandaluyong City, makaraang lumabas sa tanggapan ng PCSO si Barayuga dakong alas tres ng hapon noong Hulyo 30, 2020. Nang maipit sa trapik si Barayuga, doon na siya pinagbabaril. Mabilis na tumakas ang gunman.
Itinanggi nina Leonardo at Garma ang akusasyon ni Mendoza. Hindi raw nila ito kilala. Wala raw silang nalalaman. Kasalukuyang nakapiit sa House of Representatives sina Leonardo at Garma dahil sa pagsisinungaling.
Nakagigimbal ang pangyayaring ito na isang opisyal ng PCSO ang walang awang pinatay at ang “utak” ay taga-PCSO rin. May kinalaman daw sa droga ang biktima kaya pinapatay. Ginamit na dahilan ang war on drugs para pumatay ng inosente.
Ang nangyari kay Barayuga ay lubhang kakaiba dahil may kaugnayan umano sa corruption sa PCSO kaya ito “iniligpit”. Ayon sa PNP, bubuhayin ang kaso ni Barayuga. Nararapat lamang para makamit ang hustisya.