‘Sementeryo’

(Part 3)

ISINAMA ako ng classmate kong si Ruben sa “tirahan” nila isang araw ng Sabado. Pagpasok namin sa public cemetery ay nanindig ang aking balahibo. Tahimik na tahimik kasi. Bahagyang umaambon noon. Sa totoo lang, ayaw ko sanang sumama kay Ruben dahil nga may kaunti akong takot sa sementeryo. Pero dahil naka-“oo” na ako, hindi na ako nakaatras. Isa pa, gusto ko ring masubukan at maobserbahan ang buhay sa sementeryo.

Mula sa gate ay naglakad kami ng mga limang minuto. Hanggang sa marating namin ang kanilang “tirahan”. Isang musuleo na kulay puti. Malawak ang musuleo at may bakuran pa na natatamban ng Bermuda grass.

Binuksan ni Ruben ang mababang gate.

“Halika Jim!’’

Pumasok kami. Binuksan niya ang pintong bakal ng musuleo. Nakita ko ang dalawang nitsong kulay puti.

May nakita akong electric fan, kutson at iba pang gamit.

“Maupo ka.’’

Naupo ako sa plastic na upuan.

“Nasan ang parents mo?’’

“Si itay ay naglilinis pa siguro ng ibang nitso. Si inay ay naghahatid ng labada sa labasan. Ang kapatid kong bunso ay baka nasa kaklase niya at naglalaro.’’

“Saan kayo natutulog, Ruben?’’

“Ako dun sa sulok. Sina itay at inay ay dun sa kabila ng nitso at ang kapatid ko ay dun sa may tabing pinto.’’

(Itutuloy)

Show comments