PUPROTEKSIYUNAN ang mga mamamahayag. Ito ang sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa ika-50 anibersaryo ng Publishers Association of the Philippines, Inc. noong Biyernes. Aniya, dodoblehin ng pamahalaan ang pagsisikap para mapangalagaan ang mga Pilipinong mamamahayag. Sabi ni Marcos, binibigyang halaga ng pamahalaan ang papel ng organisasyon bilang bantay ng komunidad at tagapagtanggol ng kalayaan sa pamamahayag. Binigyang pugay ni Marcos ang mga mamamahayag na pinaslang sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Noong nakaraang Mayo, sinabi ng media watchdog Reporters Without Borders na delikadong bansa ang Pilipinas para sa mga mamamahayag. Sa inilabas na press freedom index, nasa ika-134 ang Pilipinas sa mga mapanganib na bansa para sa mga mamamahayag. Layunin ng press freedom index na ikumpara ang level of freedom na natatamasa ng journalists at media workers sa 180 bansa sa mundo.
Noong nakaraang taon, nasa ika-132 puwesto ang Pilipinas. Ginawa ang ranking sa pamamagitan ng mga indicator na kinabibilangan ng impluwensiya ng pulitika, ekonomiya, at seguridad para sa mga mamamahayag. Nakakuha ang Pilipinas ng 43.36 na global score sa nasabing index ngayong taon.
Sa administrasyong Marcos, apat na mamamahayag na ang pinapatay at hindi pa nalulutas hanggang sa kasalukuyan. Unang pinatay ang radio broadcaster na si Rey Blanco ng Mabinay, Negros Oriental noong Set. 18, 2022. Pinagsasaksak si Blanco habang patungo sa radio station. Ang ikalawa ay ang veteran broadcaster na si Percy Lapid na binaril at napatay noong Okt. 3, 2022 sa Talon Dos, Las Piñas. Hindi pa nahuhuli ang “utak” na si dating BuCor director Gerald Bantag.
Ang ikatlo ay ang broadcaster/commentator na si Cresenciano Bunduquin ng Bgy. Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro na pinagbabaril sa harap ng kanyang sari-sari store noong Mayo 31, 2023. Ikaapat si Juan Jumalon, isang broadcaster sa Calamba, Misamis Occidental na binaril noong Nob. 5, 2023.
Ang pangako ni Marcos na dodoblehin ang pangangalaga sa mga mamamahayag ay magandang pakinggan. Marami ang matutuwa kung maisasakatuparan, maraming naulila ang mga pinaslang na mamamahayag na umaasang makakamit ang katarungan.