ISANG umaga ng Oktubre 20, 1966 habang nag-aalmusal ang 10 taong gulang na si Eryl Mai Jones, nabanggit niya ang kanyang napanaginipan ng nakaraang gabi sa kanyang ina.
“Nanay, napanaginipan kong pumasok ako sa school pero nawawala ang aking school. Tumingin ako sa kalangitan at nakita kong bumagsak ang malalaking itim na ulap.”
“Anak siguro ay nakatulog ka lang nang busog kaya kung anu-anong nakakatakot ang napapanaginipan mo.”
Kinabukasan, Oktubre 21 ng umaga, may nasabi si Eryl sa kanyang ina bago pumasok sa school, “Nanay I love you”.
Napangiti ang ina at hinalikan ang anak. Medyo nanibago ang ina dahil hindi ito nagsasabi ng “I Love You” sa kanya bago pumasok. Ngayon lang. Nakasanayan na lang nito na magpaalam sa kanya na papasok na ito sa school.
Pagsapit ng 9:15 ng umaga, biglang bumulusok pababa ang malalaking tipak ng lupang pinagminahan ng coal mula sa bundok at gumulong ang mga ito patungo sa school na pinapasukan ni Eryl.
Nagiba ang school building, bumagsak ang bubong nito sa mga batang kasalukuyang nagkaklase nang mga oras na iyon. Mga 144 na estudyante ang namatay kasama si Eryl Mai Jones.
Nakatira sina Eryl sa mahirap na bayan ng Aberfan, Wales, United Kingdom, kung saan nasa ibaba sila ng bulubunduking pinagmiminahan ng carbon. Hinuhukay ang carbon mula sa lupa.
Ang mga lupang nahukay ay inipon sa isang lugar na sa katagalan ay tumigas at nabuong parang bato. Sa sobrang dami na ng mga ito, gumulong ito paibaba sa kinaroroonan ng school building na ikinasawi ng mga estudyante.