“Mahal na mahal kita at gusto ko sana na umuwi ka na lang dito at magtayo ng negosyo,’’ sabi sa bahagi ng sulat na tinanggap ko mula sa asawa kong si Melba. Sinulatan ko kasi si Melba at tinanong ko kung gaano niya ako kamahal. Nagawa ko naman yun dahil sa sinumbong sa akin ng aking kapatid na babae na “gumagawa” ng hindi maganda si Melba. Nakita raw ng aking kapatid si Melba na may kasamang lalaki habang namamasyal sa mall. At bukod dun, masyadong maluho raw si Melba at bili rito, bili roon ang ginagawa. Sumbong pa ng aking kapatid, baka maging pulubi raw ako sa hinaharap kapag hindi napigilan ang pagiging gastadora ni Melba.
Pero dahil sa sulat ni Melba sa akin, lubos akong nagtiwala sa kanya. Hindi ko pinaniwalaan ang sumbong ng aking kapatid. Mahal na mahal ako ni Melba.
Sinabi ko kay Melba na kapag nakaipon na ako ng pangnegosyo sala ako uuwi. Kapag may sapat nang kapital, lilisanin ko na ang Saudi. Pumayag si Melba.
Ang labis ko lang pinagtatakhan ay ang madalas na pagpapabili ni Melba ng hikaw. Tuwing sahod ay humihiling na ibili. Marami na akong nabiling hikaw sa kanya kaya labis akong nagtataka. Anong ginagawa niya sa mga hikaw?
(Itutuloy)