RAMDAM na ramdan na, hindi lamang ang parating na Kapaskuhan, kundi ang gaganapin na 2025 midterm elections. Sa totoo lang, mas nauna pang magparamdam, nitong Ber months, ang mga kandidatong tatakbo sa susunod na halalan keysa kay peborit Jose Mari Chan, este sa simoy ng Pasko. Bakit ko nasabi ito? Aba eh bulag lamang o walang pakiramdam ang hindi nakakapuna sa naglipanang mga “pagpapaalala” ng mga kandidato sa kanilang mga sakop na botante mapa sa malawak na highway o kasuluk-sulukang daan sa iba’t ibang parte ng Pinas. Gets nyo ba mga kosa? Sa SLEX makikita ang napakalaking paalala diumano ni Sen. Lito Lapid na mag-ingat ang mga motorista sa pagbiyahe. Ito kaya ay tunay na paalala na mag-ingat ang motorista o pagpaparamdam na siya ay tatakbo sa eleksyon sa Mayo? Ano sa palagay n’yo mga kosa? Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Bukod sa mga makikita sa highway at daan, kapansin-pansin na rin ang pagbando ng mga pulitiko ng kanilang credentials sa social media at telebisyon. Nariyan din ang mga nagsasayaw at nagtatanim at kung anu-anong pa-cute ng mga pulitiko. Nagsulputan din ang mga talk shows, na ang bida ay mga pulitiko, di ba Sen. Imee Marcos Ma’m? E di Wow!! Nang magbakasyon kami sa San Juan, Batangas, nakasabit sa gilid ng daan ang mga karatula nina Interior Sec. Benhur Abalos at ni Makati City Mayor Abby Binay. Hindi sila tatakbo sa pagka-Senador? Simple lang p’ro rock, di ba mga kosa? Hindi lang ‘yan? Kapag nag-ikot ka sa Maynila, mayroon ding mga karatula ng mga pulitiko subalit ang mga slogan dito ay tulad ng; “babalik na sa Maynila,” Abogado ng Sampaloc; “Tagapagtanggol ng Mahihirap,” “Hero ng kung anong lugar,” at iba pa. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang talaga, no mga kosa?
Subalit ating liwanagin na hindi pa bawal sa ngayon ang mga pagpapakalat ng maituturing na ring “campaign propaganda” dahil nakasaad sa batas na hindi pa sila considered na kandidato at hindi saklaw ng powers ng Comelec. ‘Ika nga, wala pa sila sa jurisdiction ng Comelec. Get’s n’yo mga kosa? Ayon sa Comelec hindi pa maituturing na kandidato ang isang tao kahit ito ay nag-file na ng certificate of candidacy (COC) hanggang hindi nagsisimula ang campaign period. Paalala ni Comelec Tserman George Garcia ang campaign period para sa tatakbong senador ay magsisimula sa Feb 11, 2025 at Marso 28 naman para sa mga tatakbo sa local na posisyon. Dipugaaaaa!
Nangangako naman si Tserman Garcia na maglalabas ang Comelec ng guideless upang maisayos ang kampanya maging sa social media. Nais ng Comelec na siguraduhin na hindi magagamit ang artificial intelligence o ang social media upang malinlang ang mga botanteng Pinoy. Sigurado ako na napansin na rin n’yo mga kosa ang mga napapadalas na medical missions at iba pang programa pang-ayuda ng mga kasalukuyang nakaupo sa pwesto. Kapakipakinabang sa sambayang Pilipino ang mga aktibidad ng pagpapaabot ng ibat- ibang tulong sa mamamayan ngunit sana lang ang mga ito ay ginagawa ng palagian at hindi kung nalalapit na ang eleksyon. Mismooooo!
Pero higit sa lahat, dapat tuldukan na ng mga botanteng Pinoy ang mga nakaupo na mahilig sa programang in aid of corruption dahil puro pampapogi lang ang nasa isipan nila. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs! Abangan!